Matapos ang maraming taon ng pagpapasaya, iniulat ng PEP.ph na tuluyan nang isinara ng "Eat Bulaga" dabarkads na si Allan K ang kaniyang comedy bars na Klownz at Zirkoh na matatagpuan sa Quezon City.
Ayon kay Jojo Gabinete, nagdesisyon umano si Allan K. na magdeklara ng bankruptcy at isara na ang dalawang establisimyento kung saan mapapanood ang mga pinakamamahusay na stand-up comedian sa bansa.
Pinulong umano ni Allan at general manager ng comedy bars na si Lito Alejandria, ang kanilang mga tauhan nitong Lunes para ipaalam ang malungkot na balita.
Makatatanggap naman daw ng kompensasyon ang mga nawalan ng trabaho.
Sa isang Facebook post, nagpahayag ng kalungkutan ang aktor si Phillip Lazaro, na kabilang sa mga nagtatanghal sa naturang mga establisimyento.
"Sa aking mga kasama at kapatid sa Klownz at Zirkoh, let us all say a little prayer for one another and hug each other in our hearts. Sa aming mga napatawa at napasaya sa mga lumipas na taon, the pleasure was definitely ours. Sa aming mga boss Sir Lito at A.K., thanks for the oppurtunity. Marami pong Salamat sa inyong lahat at sa uulitin. B O W," saad niya sa post.
May hiwalay na post din sa FB ang komedyanteng si Boobsie Wonderland, na nagtatanghal din sa Klownz at Zirkoh.
"Nakakalungkot mang Isipin, Pero ganun talaga ang Buhay...hnd akalain ng dahil sa Virus na kinatakutan at Pumatay ng Libo libong Tao. Maraming Pinalungkot, Ginutom, Sinira at Winasak na Pangarap!," sabi ni Boobsie.
"Pero ang lahat ng ito ay PAGSUBOK lamang! Kung gaano tayo Katatag. Maraming Salamat My Klownz and Zirkoh Family,,,Lalong lalo na sayo Boss Allan K, kung Di dahil sa Pagtitiwala mo sa Kakayanan ko hindi ako Magiging c Baby Boobsie Wonderland," patuloy niya.
Dahil sa COVID-19 pandemic, libu-libong manggagawa na nawalan ng trabaho at inaasahang madadagdagan pa dahil sa kawalan ng katiyakan kung kailan babalik sa normal ang takbo ng buhay. --FRJ, GMA News