Mula sa pagiging aktor at dancer, full-time Zumba instructor na ngayon si Wowie de Guzman.
Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA news "24 Oras" nitong Lunes, sinabing in-demand ang dating miyembro ng Universal Motion Dancers (UMD) sa mga zumba event sa loob at maging sa labas ng bansa.
Pero dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic, naapektuhan din ang kaniyang trabaho at bumigat din ang kaniyang timbang at pakiramdam.
Kaya napag-isipan daw ni Wowie na bumuo ng grupo na nais mag-zumba online.
"Nag-umpisa kami sa Facebook, hanggang sa ayan na nga sa Zoom nagkaroon na," saad niya. "Fast forward ngayon, siguro ika-third week na namin na meron kaming regular class sa aming Facebook private group every other day. Kasi karamihan ng mga regular attendees ng Zumba, talagang hinahanap din nila."
Ang kanila raw zumba group, naging support group din sa panahon ng pandemic.
"Palagi silang nagme-message ng mga very inspirational na mga mensahe," ayon kay Wowie. "Pag sinabi nila na kumbaga, 'Natutulungan n'yo kami, kahit papaano nawawala 'yung inip namin,' so napakalaking bagay nun."
Nagkaroon naman daw ng mas mahabang oras si Wowie na maka-bonding ang kaniyang six-year-old daughter na si Raff dahil sa lockdown.
"Tine-treasure ko 'yung moment na clingy pa siya sa akin," masaya niyang sabi.
Naging daan din daw ang lockdown para matuto ng ibang puwedeng gawin online.
"Reset button din siya because ang dami kong natutunan. Pinag-aralan ko ulit mag-edit, nag-aral akong mag-edit ng mga tugtog, 'yung mga hindi ko nagagawa nung time na wala pa 'yung COVID," saad niya. —FRJ, GMA News