Nag-change career muna bilang food delivery riders sa gitna ng COVID-19 pandemic ang isang kilalang aktor at isang professional volleyball player. Kilalanin kung sino sila.
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing pinasok muna ng aktor na si Neil Ryan Sese at professional volleyball player na si Jayvee Sumagaysay ang food delivery business para may pagkaabalahan at makatulong na rin habang wala pa ang kani-kanilang mga trabaho.
Sina Neil at Jayvee na rin mismo ang magde-deliver ng kanilang mga paninda.
“Naisip ko ‘yong seafood. So ayun kumuha kami ng puwesto pero hindi pala siya magwo-work since lockdown nga. (So sabi ko) what if i-try namin online siya tapos i-deliver namin kasi marami namang gumagawa noon,” kuwento ni Neil.
Ayon kay Neil, malaki ang kaniyang pasasalamat sa mga kasamahan niya sa showbiz na sinuportahan siya sa kaniyang seafood delivery business.
“Si Dingdong Dantes, si Jennylyn Mercado, si Carlo Gonzales, sila ‘yong sobrang laki ng tinulong sa’kin. ‘Di ko alam paano ako makakabawi sa kanila," sabi ni Niel.
Ayon pa sa aktor, umuorder sa kaniya si Dingdong pero pangalan ng kasambahay ang ginagamit.
"Hindi ko alam na nag-o-order siya ang ginagamit niyang name ‘yong name noong helper niya. Nahuli ko lang doon sa address,” natatawa niyang kuwento.
Samantala, nakatulong naman ni Jayvee sa kaniyang ginagawa ang kapatid niyang chef sa barko na naapektuhan din ang trabaho.
“‘Yong kuya ko po kasi chef eh hindi po siya nakasakay ng barko noong April po dapat alis niya kaya ayun po imbis na matengga, magamit na lang namin ‘yong skill niya. Nag-more on silog po ako parang magbabahay-bahay na ako, gigising ako maaga tapos ayun mangungulit ako sa kaniya-kaniyang bahay,” ani Jayvee.
Minsan na rin daw naaksidente si Jayvee sa motorsiklo niya nitong Martes matapos na mag-deliver at abutan ng ulan sa daan.
“Nawalan po ako ng preno at pumutok po ‘yong battery ng motor ko. Tapos ayun po nag-slide po ako sa daan and swerte na rin po kasi ‘di ako doon sa daaanan ng truck sa gilid ko nag-slide, pa-forward lang ‘yong slide ko,” ani Jayvee
Bukod sa pagde-deliver, nagbabahagi rin si Jayvee ng mga kinikita niya sa mga ospital, bata sa Hospicio San Jose, mga homeless sa Maynila, mga LGBTQ senior citizens at mga stranded sa paliparan.
Sa kabila ng kanilang pagiging abala sa paghahatid ng pagkain, miss na raw nina Jayvee at Neil ang kanilang regular na ginagawa.
“Sana hopefully makapag-start na ulit kami, makapag-resume na kami [ng taping],” ani Neil.
“Kahit pader na lang y’yong kalaro ko minsan, nandiyan pa rin, hawak ko pa rin ‘yong bola ng volleyball,” ayon naman kay Jayvee.--Ma. Angelica Garcia/FRJ, GMA News