Dumulog si Aiko Melendez sa Anti-Cybercrime Group ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) para paimbestigahan at papanagutin ang netizen na nagpakalat ng malisyosong balita na may sex scandal umano ang panganay niyang si Andre.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabi ni Aiko na naghain na siya ng pormal na reklamo para mahanap ang netizen.

"Nag-file na po kami ng formal complaint po, so sa mga susunod na araw po meron na pong ginagawa pong plano ang CIDG. Kami po ay nakaantabay na lang kung ano ang gagawin ng CIDG, iniwan na po namin sa kanila 'yung aksyon na gagawin po nila," sabi ng aktres.

Mas panatag na raw ngayon ang pamilya ni Aiko dahil kilala na raw nila ang netizen na may pakana ng malisyosong balita laban kay Andre.

Sinabi ni Aiko na hindi biro ang epekto ng ginawa ng netizen kay Andre.

"The first three days Andre couldn't sleep, siyempre it formed depression du'n sa bata because for you to be accused of having a sex scandal is something else 'di ba? I'm going to teach him a lesson that he will regret learning," banta ni Aiko sa netizen.

Ngayong mas payapa na raw ang kaniyang kalooban, sinabi ni Aiko na tutukan na niya ang kaniyang pagiging online entrepreneur sa pagbebenta ng mga gadget at equipment na panlaban sa sakit.

"It focuses on the gadgets that keeps you away from the viruses, particularly sa mga COVID, 'yan ang pino-focus ko po sa business ko. Part of it is you can help people so that's why it's a different satisfaction for me po," ayon sa aktres.

Masaya ring ibinahagi ni Aiko na malapit na silang bumalik sa taping ng "Prima Donnas."

"Sa mga Kapusong nanonood po ngayon, abangan niyo po, malapit nang bumalik ang 'Prima Donnas' po. Si Kendra na kinaiinisan niyo po na nami-miss niyo na dahil message kayo nang message na kailan ba babalik ang kinaiinisan niyo na si Kendra, malapit na malapit na po," saad niya. --Jamil Santos/FRJ, GMA News