Nabawi ni Glaiza de Castro ang kaniyang Instagram account matapos itong ma-hack at hingian pa siya ng perang kabayaran ng hacker.

Sa kaniyang mga Tweet noong Miyerkoles, humingi ng tulong si Glaiza matapos na ma-hack ang kaniyang account.

Ibinahagi pa ni Glaiza ang naging usapan nila ng hacker, na may ipinapagawa sa kaniya para mabawi ang kaniyang IG.

Sa tulong ng isang netizen, nakita rin ang mukha ng hacker umano.

Ayon kay Glaiza, nanghihingi raw ito ng $335 o humigit kumulang na P17,000, na mas mataas na raw kaysa ibang kabayaran na hinihingi ng hacker sa iba pa nitong nabiktima.

"Our interest is only in money. We don't need your account. We will restore it immediately after payment in 15 minutes. We will send you a login, password and instructions on how to protect your account," mensahe ng hacker kay Glaiza.

May isang netizen pa ang nag-ulat na nag-iiba raw ang bilang ng posts, followers at following ni Glaiza sa IG mula nang ma-hack ito.

May isa pang netizen ang nag-ulat na pati Facebook ni Glaiza, tila na-hack na rin.

Nitong Huwebes, inanunsyo ni Glaiza na nabawi na niya ang kaniyang account.

"Gaiz pinangatawanan ni @glaizaredux ang username niya. Nagbalik siya! ?????????" pag-anunsyo ng Kapuso singer-actress.

?"Maraming salamat sa mga nag abot ng concern, tumulong at nag dasal. Sorry din sa mga nabahala at di nakatulog," dagdag pa ni Glaiza.

 

 

—LBG, GMA News