Tampok sina Super Tekla at Martin del Rosario sa inihandang Father's Day special ng GMA Telebahay. Si Tekla, naiyak sa karakter niya na isang ama na na-lockdown malayo sa pamilya.
Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing mga ama naman ang ibibida GMA Telebahay matapos ang pagkilala sa kabayanihan ng mga ina sa episode na "Salamat, Nay."
Gaganap sa "My Beautiful Father" si Super Tekla kasama sina Maey Bautista at David Remo.
Inihayag ng direktor na si Zig Dulay na naiyak si Tekla habang binabasa ang script.
"Bilang isang ama na na-trap ka sa isang lugar, 'yun 'yung feeling eh, 'yun 'yung pakiramdam unang-una, na hindi ka makakauwi and then 'yung means ng mga anak mo, kung paano sila, siyempre na-lockdown din sa Maynila pero gagawa ka pa rin ng paraan para maka-provide sa kanila," sabi ni Tekla.
Hindi rin naging madali ang shoot para sa "My Beautiful Father" dahil nasa Quezon City si Tekla, habang nasa Marikina si Maey at nasa Pampanga si David.
"Gusto lang namin somehow na magbahagi gamit 'yung video, gusto lang namin i-share na may iba't ibang mukha, may iba't ibang kulay 'yung pagiging tatay. At ang batayan lang naman natin lagi diyan ay 'yung pagkakaroon ng paninindigan at pagiging responsableng magulang," sabi ni Direk Zig Dulay.
"Madalas, kung hindi man lagi, wala namang kinalaman 'yun doon sa gender ng isang tao," dagdag pa ng direktor.
Sina Ricky Davao at Martin del Rosario naman ang gaganap bilang medical frontliners sa panahon ng pandemic sa "Proud Ako Sa'yo" sa direksyon ni LA Madridejos.
Matapang na ipakikita nina Ricky at Martin ang mga sakripisyo ng medical frontliners.
"Tuloy ang laban, huwag mawawalan ng pag-asa, laban lang, mahirap pero hindi tayo puwedeng tumigil eh, hindi tayo puwedeng mag-abang na lang ng mga mangyayari, kailangan may gawin tayo, hindi tayo puwedeng mawalan ng pag-asa," sabi ni Madridejos.
Ibang karanasan daw kay Martin ang kakaibang estilo sa pag-shoot ng video dahil umasa lang siya sa direksyon sa pamamagitan ng Zoom conference.
Dahil sa ginawang short film, mas napahalagahan daw ni Martin ang lahat ng sakripisyo ng kaniyang ama para maabot niya ang mga pangarap sa buhay.
"Before ako mag-artista, honor student ako lagi simula nursery, kinder, prep, hanggang grade school hanggang high school and si papa talaga 'yung nag-tutor sa akin," kuwento ng aktor.
"Nag-aaral kami niyan for many hours, siguro mag-start kami ng 6 p.m., matatapos kami ng midnight. Si papa talaga nagturo sa akin sa school kaya ako nag-achieve kaya ang dami-dami kong medals," kuwento ni Martin.
Mapapanood ang dalawang GMA Telebahay video sa lahat ng official social media accounts ng Kapuso Network.--Jamil Santos/FRJ, GMA News