Dahil maagang naulila sa mga magulang, lumaki si Bianca Umali sa pangangalaga ng kaniyang mga lola.
Sa "Wowowin-Tutok To Win," kinamusta ni Kuya Wil si Bianca at tinanong tungkol sa kaniyang pangarap sa buhay.
"Pangarap kong mapagawan ng bahay 'yung lola ko. Ayun lang po 'yung pinakasimple talaga sa ngayon," sagot ni Bianca na dating co-host sa "Wowowin."
Ayon kay Bianca, ang mga lola niyang sina Mama Vicky at Mommy Lola ang nagpalaki sa kaniya.
Kuwento ng aktres, limang-taong-gulang pa lang siya nang pumanaw ang kaniyang ina dahil sa cancer. Limang taon makaraang mawala ang ina, sumunod naman ang kaniyang ama dahil sa heart attack.
"Tapos ever since noon mga lola ko na 'yung nagpalaki sa akin. Kaya 'yung mga lola ko ang tawag ko sa kanila 'superheroes' ko," emosyonal na sabi ni Bianca.
Actually, love na love ka nila parehas," sabi pa ng Kapuso actress kay Kuya Wil.
Sabi naman ni Kuya Wil, "Marami rin pong mga kuwento ang mga artistang ito na hinahangaan niyo na ganiyan din ho, may luha sa likod ng kanilang ngiti.
"Ibig sabihin niyan meron ding mga pinagdadaanan. Hindi porke't artista ka akala niyo eh glamoroso ang buhay. Ganiyan din ho ang buhay ng mga 'yan, katulad niyo rin. Simpleng mga tao lang din kami. It's just that kailangan lang nakabihis, nakaayos," dagdag ng TV host.
Matatandaang naging co-host na rin si Bianca sa "Wowowin," kasama sina Gabbi Garcia, Denise Barbacena, Ashley Ortega at Jazz Ocampo.
Naalala naman ni Kuya Wil ang sinabi noon ni Bianca tungkol sa "Wowowin" na nagpaantig daw sa kaniyang damdamin.
"Alam niyo there was a time kumakain kami. Sabi ni Bianca, 'Kuya gusto ko talaga dito,'" kuwento Kuya Wil na nang panahong iyon ay nasa maliit pa lang silang studio sa Kalayaan Avenue.
Tinanong daw ni Kuya Wil si Bianca kung bakit nito gusto mag-"Wowowin", at ang sagot daw ang aktres: 'Mahal ko ang 'Wowowin."
Naramdaman daw ni Kuya Wil ang sinserong sagot ni Bianca kaya, "It touches my heart." --Jamil Santos/FRJ, GMA News