Dahil marami ang nawalan ng trabaho bunga ng community quarantine, gumawa ng paraan sina Derrick Monasterio at Juancho Trivino kung papaano makakatulong sa ilang nawalan ng pagkakakitaan tulad sa mga barbero.
Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing bumuo ng "Fit Crew PH” si Juancho para magdaos ng online training classes.
Sa ganitong paraan ay natulungan nila ang mga fitness coaches na nawalan ng trabaho dahil sa epekto ng COVID-19 pandemic.
“Parang nagagawa ko nang maayos may kaniya-kaniyang tayong mga kahinaan, kalakasan sa buhay, that’s something that needs to be consulted with a professional talaga,” anang aktor.
Ayon kay Juancho, kabilang sa mga naging unang kliyente ng Fit Crew PH’ ay mga work-from-home employees na kailangan ng ehersisyo.
Samantalang si Derrick, naglunsad ng home service na gupit kasama ang mga kaibigan na “Quaran-clean PH,” para naman matulungan ang mga barbero na nawalan din ng trabaho.
Naisipan daw ito ni Derrick, nang makausap ang isa niyang kapitbahay na barbero na kabilang sa mga nawalan ng hanapbuhay dahil sa lockdown.
“Win-win situation for the both of us. Nabigyan namin siya ng work tapos natutulungan namin mga taong hindi makalabas,” anang aktor.
Tiniyak naman ng aktor na sanitize ang mga gamit ng barbero at nasuri ang kalusugan ng mga naggugupit.
“Priority namin ngayon mapa-feel na safe kami, na we are disease-free,” saad niya.--FRJ, GMA News