Nag-donate na si Iza Calzado ng blood plasma matapos siyang makaligtas sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa kaniyang Instagram post, sinabi ng aktres na ilang beses siyang nabigo na mag-donate ng plasma dahil mababa ang kaniyang hemoglobin.
Nitong Martes, pinayagan na raw siyang mag-donate at ginawa niya nitong Biyernes.
"I never knew that giving my blood would be such an emotional moment for me," saad niya. "Perhaps it's because, as a Covid-19 Survivor, I truly felt that this was one of the most powerful ways I could help my fellow Filipinos during this time."
Ayon kay Iza, espesyal na araw sa kaniya ang June 12 dahil bukod sa araw ito ng kasarinlan ng bansa, ito rin ang kaarawan ng kaniyang ina.
Kaya naman daw mas naging mas makahulugan daw ang petsang ito sa kaniya.
Nang makaligtas sa sakit, nabanggit noon ni Iza na nakaramdam siya ng "guilt feeling" dahil may mga pasyenteng nasawi sa virus. Kaya masaya raw siyang makapag-donate ng plasma na maaaring makasagip ngayon ng buhay ng ibang pasyente.
"As the doctor played 'Bayan Ko' my tears and my blood flowed," saad niya.
"It gave me so much hope to think that maybe I could help restore someone’s health and that, through our collective efforts, we can restore our country’s well being and make it better," dagdag ng aktres. —FRJ, GMA News