Sa ika-sampung taong anibersaryo ng "Pepito Manaloto," sinabi ni Michael V. na asahang mapapanood sa mga baging episode nito ang naging buhay ng mga Pilipino sa panahon ng community quarantine.
"Curious kami kung ano ang nangyari sa mga Manoloto at sa mga character during quarantine. So most probably hindi namin lalampasan kung chapter na 'yon ng istorya ng 'Pepito Manaloto," sabi ni Bitoy sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Martes.
Pero kahit GCQ na o general community quarantine, hindi pa rin daw lumalabas ng bahay si Bitoy at ang kaniyang pamilya bilang pag-iingat laban sa COVID-19.
"Gusto natin maging safe tayo palagi at yung problemang dadalhin mo kung sakali pag-uwi mo ng bahay galing sa labas baka mamaya maapektuhan yung mga mahal mo sa buhay," paliwanag niya.
Kasabay ng pasasalamat ni Bitoy sa mga tumatangkilik sa programa na 10 taon nang napapanood sa telebisyon, nangako ang Kapuso comedy genuis, na patuloy silang gagawa ng magagandang episode na kapupulutan ng aral.
Natutuwa rin si Bitoy sa mga cover na ginagawa ng netizens tungkol sa theme song ng "Pepito" pero isa rito ang pinakagustuhan niya dahil kakaibang pagkakagawa. Panoorin ang video.--FRJ, GMA News