Mas natuto raw si Glaiza de Castro na maging pasensyoso pagdating sa kaniyang mga mahal sa buhay at tanggapin pati ang kanilang mga kahinaan, ngayong panahon ng enhanced community quarantine dulot ng COVID-19 crisis.
"One of the things I've learned about myself, mas naging patient ako sa pag-accept ng mga tao sa paligid ko," saad ni Glaiza sa panayam sa kanya ng GMA Network.
"Kasi siyempre 'di ba kahit na sabihin nating mahal mo 'yung mga magulang mo, mahal mo 'yung boyfriend mo, pero may mga makikita ka, especially now na araw-araw mo silang kasama, may mga makikita kang, siyempre, kahinaan or characteristics na medyo mapapa-ano ka eh, 'Ano ba 'yun? Anong nangyari?' Magka-clash pa rin kayo 'di ba?" dagdag niya.
Pero mahalaga raw na tanggapin pati ang mga pagkukulang ng mahal sa buhay.
"Pero through this, na-realize ko na acceptance, i-accept 'yung bawat characteristics kahit pa positive 'yan or sabihin na nating negative. Kasi kailangan mong i-accept 'yung tao as a whole, hindi lang 'yung sa tingin mong loveable sa kanila," sabi ni Glaiza.
Bukod dito, ikinuwento rin ni Glaiza na mas natuto na siya sa gawaing bahay, na bagay na hindi niya dating nagagawa tulad ng manual labor.
"Ang pagiging productive ay hindi lang sa taping or hindi lang sa trabaho na ginagawa ko sa Manila or sa work ko bilang actor. Pero being productive and creative means being productive around the house," sabi niya.
Nauna nang sinabi ni Glaiza na para siyang nag-crash course sa pagkakaroon ng pamilya nitong panahon ng quarantine nang mas natuto pa siyang maglaba at magtanim. —Jamil Santos/LBG, GMA News