Kabilang ang social media sensation na si ni Ericka Camata, o mas kilala ng netizens bilang "Miss Everything," sa mga nasalanta ng bagyong Ambo sa Samar.

Sa Facebook post ni Ericka, makikita ang nawasak nilang bahay sa  Calbayog City dahil sa hagupit ng bagyo.

"Our home (with broker heart emoji)," saad sa caption niya sa mga larawan.

"We our safe no worrying everyone (with heart emoji)," dugtong niya.

Sa kabila ng nangyari, nagawa pa rin ni Ericka na magpasaya nang mag-Tiktok video pa siya sa ibabaw ng nasira nilang bahay.


Kamakailan lang ay naitampok si Ericka sa programang "Kapuso Mo, Jessica Soho," dahil sa kaniyang mga nakatutuwang Tiktok video na nagbibigay ng aliw sa mga tao na nasa kanilang mga bahay habang umiiral ang enhanced community quarantine.

Sa isang pahayag nitong Biyernes, inilarawan ni Eastern Samar Governor Ben Evardone na parang "Typhoon Yolanda Jr," ang hagupit ni Ambo, bilang pagkumpara sa lakas ng bagyong "Yolanda" na nanalasa sa lalawigan noong November 2013.

"I just came from four hardest-hit towns of Dolores, Oras, San Policarpo and Arteche and I can say that devastation in my province is so enormous and unimaginable that I can safely say that Ambo was Typhoon Yolanda Jr in terms of damage to infrastructure," sabi ng gobyernador. --FRJ, GMA News