May mga natutunan daw ang Kapuso comedians na sina Boobay at Super Tekla sa pagpapatupad ng enhanced community quarantine at kabilang na rito ang kahalagahan ng pag-iipon.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi ni Boobay na mahalagang may naitatabing pera sa ganitong mga panahon na hindi nakapagtatrabaho.
"Very important pala talaga yung mayroong itinatabi para sa mga ganitong pagkakataon mayroon kang mahuhugot," ayon kay Boobay.
Samantala, idinaan na muna ni Tekla ang kaniyang sagot: "Ang natutunan ko ngayong lockdown talaga na sobrang hindi ko makakalimutan sa tanang buhay ko...ang sarap iulam yung sinangag sa kanin."
Pero nang seryoso na, sinabi ni Tekla na; "Real talk 'to ha. Kung ano yung naipundar namin nang mahabang panahon sa ganito lang ka-abrupt na kuwan... parang doon ko na-realize na dapat mag-ipon pala.
Patuloy pa niya, "And may mga sisi rin ako sa sarili ko na bakit ako nagwaldas ng mga nakaraan na 'di inisip ang mga mangyayari. Iyon ang pinakamalaking lesson sa akin."
Samantala, may itinuro naman ang dalawa kung papaano raw maging safe kapag lumabas ng bahay. Panoodin ang video. --FRJ, GMA News