Bagaman hindi siya pinangalanan ni Pasig City Mayor Vico Sotto, nagsalita at itinanggi ng dating PBA player na si Roger Yap, na minura at pinagsalitaan niya ng masama ang mga frontliner ng lungsod na namamahagi ng ayuda sa mga tao.
Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabi ni Yap na nadagdagan na ang kuwentong nakarating kay Sotto.
"Ang problema lang kasi dinagdagan 'yung kuwento. Ang dumating kay Mayor, nagmumura daw ako, nagwawala daw ako diyan," paliwanag ng dating basketbolista.
Sa Facebook Live ni Sotto kamakailan, inilabas niya ang inis sa isang dating PBA player na kakilala ng kaniyang bayaw na si Marc Pingris, dahil sa pagsisigaw umano sa kaniyang mga tauhan.
Paliwanag ni Yap, sinabihan lang umano niya ang mga tauhan ng lungsod na mali na mamahagi ang mga ito ng food coupons sa halip na relief goods.
"Kasi kaya n'yo naman gumawa ng bahay-bahay nung Christmas at saka 'tong PLP at saka 'tong ngayon, bakit ngayon sa halagang P300 hindi n'yo makaya?," sabi umano niya sa mga tauhan ni Sotto.
Idinagdag ni Yap na nagkausap na sila ni Sotto sa tulong ni Pingris.
"Ok naman. Humingi rin naman siya ng pasensya sa akin. Pero siyempre sa side ko, parang tapos na. Ang damage nangyari na," dagdag niya.
Ayon kay Yap, nakatanggap siya ng pambabatikos sa social media.
"Sana 'yung lahat ng mga humuhusga sa akin, sana tigilan n'yo na lang 'wag n'yo na ako i-bash," hiling niya. "Kasi sa akin naman, para naman sa lahat, hindi naman 'yun para sa akin lang." —FRJ, GMA News