Inihayag ni Myrtle Sarrosa ang kaniyang pag-aalala para sa mga tita niya na frontliners, pati na rin sa mga mahal niya sa buhay at iba pang tao sa paligid sa gitna ng banta ng COVID-19.
"'Yung mga aunt ko, I worry about them kasi they are frontliners and siyempre they're the ones who are most exposed ngayon, they put their lives on the line," kuwento ni Myrtle sa Kapuso Showbiz News.
Pero pinaka-nag-alala raw si Myrtle nitong panahon ng enhanced community quarantine ay nang makakita siya ng ambulansya sa tapat ng kanilang kapitbahay.
"The other day may nakita akong ambulance na sumusundo sa neighbor ko. And then all of a sudden, na-realize ko na it's so real na it's a scary time," anang Kapuso actress.
Kaya panalangin niya na maging ligtas ang lahat at hindi na mahawaan pa ng naturang virus.
"Nag-wo-worry din ako sa mga nandito around me if they're doing well. So gusto ko lang talagang maging safe 'yung mga tao sa paligid ko," sabi ni Myrtle.
Kaya payo rin ni Myrtle na kamustahin ang mga kaibigan, lalo na ang mga nag-iisa ngayong home quarantine.
"Dapat tayo na may mga kaibigan, don't forget about them and always remind them at kamustahin niyo sila and just make them feel that you're there for them during this time," sabi pa niya. — Jamil Santos/DVM, GMA News