Sagot na ng Kapuso comedians ang pagpapatawa at pampa-good vibes sa netizens ngayong panahon ng enhanced community quarantine dahil simula Mayo 1, mapapanood na ang pinakabagong comedy YouTube channel na "YouLOL."
"Dapat makapagpatawa pa rin tayo, hindi lang sa mga bahay-bahay natin kundi isali nating lahat ng mga puwedeng makinig at manood sa mga kani-kanilang mga bahay through internet, through online content," sabi ni Michael V. sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes.
Challenging daw ngayon ang pagpapatawa, ayon kay Bitoy.
"Parang regular TV show, parang Bubble Gang pa rin, meron pa ring meetings, brainstormings, at meron ding rehearsals... Challenging] lalo kung kagaya ni Betong na mahina ang internet, mabagal ang response, hindi ka makahirit at makapagsagutan nang mabilis, so medyo kaunting adjustment," kuwento ni Bitoy.
Mag-subscribe lang sa "YouLOL" channel para mapanood din ang ilang eksena sa Barangay Bubble kung saan si Lovely Abella ang nabiktima ng kanilang prank.
"Nag-initiate 'yung team na gumawa raw ng online content. So ang challenge was limbo rock. Eh sa set ng Bubble Gang kasi, hindi mo alam kung ano ang puwedeng susunod na mangyayari, hindi pa namin alam kung ano ang twist na 'yon, biglang on the spot na lang si Lovely nagalit," kuwento ni Mikoy Morales.
Magkakaroon rin ang Kapuso comedians ng interaction sa viewers, tulad ng live chat ng "Bubble Gang" sa Biyernes, Mayo 1, at "Pepito Manaloto" sa Sabado, Mayo 2, parehong 7 p.m.
"Meron silang mga naiisip na challenge na puwede ibato sa samin. Kung kaya gagawin namin, huwag lang po kayo mag-challenge na lumabas kami sa labas at walang face mask," sabi ni Sef.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News