Dahil may karanasan din sa ospital bilang isang registered nurse, nauunawaan ni Rocco Nacino ang pinagdadaanan ng mga medical frontliner na lumalaban sa COVID-19.
Kaya naman hindi na siya nagdadalawang-isip na gumawa ng video messages sa tuwing may mga frontliner na nagre-request nito para mapalakas ang kanilang loob.
"Being in that field, as a nurse, na-expose na ako sa operating rooms, sa deliveries, sa ER, sa emergency. On a normal day na walang ganito, it's crazy, it's what you call toxic, 'yan 'yung term nila sa mga ospital na grabe 'yung trabaho na 24 hours nakatayo ka lang, iihi ka lang mabilis tapos next station ka na, tuloy-tuloy ang trabaho mo," kuwento ni Rocco sa Kapuso Showbiz News.
"With what's happening ngayon, nadoble pa 'yung trabaho nila, so iniisip ko pa lang 'yung trabaho nila every day, I really feel for them," dagdag pa niya.
Kaya mahalaga rin daw para kay Rocco na mapatatag ang kanilang loob kahit sa mga simpleng bagay tulad ng mga thank you messages.
"Ang daming nagpapagawa ng mga thank you messages or messages of support and hope for frontliners. Hindi na ako nagdadalawang isip, okay na ako agad. 'Sige, sino papasalamatan natin? Let's do this video, let's compile videos to really boost their morale," anang Kapuso actor.
Kaya nitong ika-33 niyang kaarawan, binisita rin ni Rocco ang mga medical frontliner at pinakinggan ang kanilang mga saloobin.--Jamil Santos/FRJ, GMA News