Nilinaw ni "Wowowin-Tutok To Wil" host Willie Revillame na wala siyang Facebook account kaya peke o poser ang nasa likod ng mga FB account na ginagamit ang kaniyang pangalan.
Giit ni Willie, hindi siya marunong masyado sa internet kaya hindi siya gumagawa ng sarili niyang account para sa Facebook, Twitter o YouTube.
Ginawa ng TV host ang paglilinaw matapos na may lumabas na post na ginamit ang kaniyang pangalan at may FB account name na "Mr. Willie Revillame," na nagsasabing dapat unahin na tulungan ang mga nawalan ng trabaho kaysa sa mga dati nang walang trabaho.
Tinawag sa naturang post na pasaway at naging masarap ang buhay ng mga dati nang walang trabaho mula nang makakuha ng ayuda sa gobyerno.
“Wala po akong kinalaman diyan. Hindi po akin 'yan. Iyan po ay isang fake account sa Facebook," giit ni Willie.
Ayon sa TV host, nagpatulong na siya sa National Bureau of Investigation para hanapin at kasuhan ang kaniyang poser.
"Pinapahanap na po namin 'yan sa NBI. Ni-report ka na namin. May kakatok sa 'yo, may posas ka na. Wala kayong ginawa kundi mangwalanghiya ng tao. Sa panahon na 'to ba naman gagawa pa kayo ng ganyan?," pahayag ni Willie.
Kaya muli ring nagbabala si Willie na huwag magpabiktima sa online scams at fake social media accounts na gumagamit ng kaniyang pangalan o ng programang "Wowowin." --FRJ, GMA News