Nakabilang si Michael V. sa mga singer at musician na naging bahagi ng awiting "Dakila Ka, Bayani Ka" para sa frontliners na layuning makakalap ng tulong para sa mga humaharap sa laban kontra sa COVID-19.

Sa pamumuno ni Department of Education Undersecretary Alain Del Pascua, nabuo ang nakaaantig na awitin na kumikilala sa sakripisyo at pagmamalasakit ng mga frontliner, ayon sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles.

"Talagang inspiration ko sila 'yung mga frontliner natin. Since napapanood ko, pini-feature sa '24 Oras' 'yung greatness nila, 'yung heroism and 'yung sacrifices nila," sabi ng songwriter na si Arnie Mendaros.

"Feeling ko wala akong magagawa against this and from where I am. Kaya kong mag-record, kaya kong mag-send ng files, pero 'yung tipong ginagawa ng mga frontliner, hindi ko kaya. Kaya readily nu'ng sinabihan ako ni Albert kung available ako, sabi ko 'Oo naman, sino bang hindi available," sabi ni Michael.

Kasama rin sa mga nagbahagi ng kanilang boses ang COVID-19 survivors na sina DepEd Secretary Leonor Briones at musician na si Ricky Gonzales.

"Nagkaroon ng impact at meaning 'yung kanta dahil talagang sila mismo, ine-experience nila 'yung kabayanihan at kadakilaan ng mga frontliners natin," sabi ni Michael.

"Hindi biro 'yung ginagawa nila, sinusugal nila 'yung buhay nila para sa iba. Totoo 'yon kasi kahit na infected ako, talagang lumalapit sila sa akin kapag may kailangan ako," sagot ni Ricky nang tanungin kung ano ang nasa isip niya habang naggigitara.

Nagtatrabaho si Gonzales sa isang cruise ship na umiikot sa Asya, pero Pebrero 17 nang magpositibo siya sa COVID-19 habang nasa Yokohama, Japan. Inabot ng 18 araw ang kaniyang pagpapagaling.

Ibinahagi ni Ricky ang kaniyang naging sandigan sa itinuturing niyang pinakamatinding hamon sa buhay niya.

"Unang una sundin mo lahat ng pinapayo ng doktor. Lagi akong umiinom ng vitamins, hydrated ako palagi and most specially pagdarasal," sabi ni Ricky.

Layon din ng 'Dakila Ka, Bayani Ka' na makakalap ng pondo, bukod pa sa pagkilala sa frontliners bilang mga bayani ng pandemic.

Itutulong sa mga frontliner ang revenue ng views ng official music video na naka-upload sa DepEd official Facebook page at YouTube channel ng arranger nito na si Albert Tamayo.

Gayunman, may ibang YouTube sites na nag-upload ng music video na wala sa kanilang pahintulot.

"Gaya ng mga sinasabi ko sa anak ko, 'pag tama ang ginawa mo, tama ang magiging resulta," sabi ni Kapuso comedy genius.--Jamil Santos/FRJ, GMA News