Isa ang kapatid ni "Eat Bulaga" dabarkads Ruby Rodriguez na si Dr. Sally Gatchalian sa mga medical frontliner na binigyan ng pagpupugay sa programang "Kapuso Mo, Jessica Soho." Sa unang pagkatataon, ibinahagi ng tv-host actress ang sakit na kaniyang naramdaman sa pagkawala ng kapatid dahil sa COVID-19.

Si Sally o Dr. Gatchalian, ang naging President of the Philippine Pediatric Society at Assistant Director of the Research Institute for Tropical Medicine (RITM). At isa sa dumadaming medical frontliner na nasasawi sa laban sa virus.

Sa pamamagitan ng video call, sinabi ni Ruby kay Jessica na kahit papaano ay unti-unti na nilang natatanggap ang nangyari kaya handa na rin siyang magbigay ng panayam sa nangyari sa kapatid.

Sa panayam, ilang pagkakataon na hindi  napigilin ni Ruby na maiyak habang binabalikan ang masasayang alaala nila ni Sally, at ang pait sa bigla nitong pagpanaw nang hindi man lang nila naalagaan sa ospital, at nang pumanaw ay abo na lang ng katawan ang kanilang nakuha.

Bahagi kasi ng protocol sa mga nasawi sa COVID-19 na kaagad ipa-cremate kaya hindi na nakita pa at napaglamayan ang kapatid.

"Nung earlier on kasi, I felt so bad I just couldn't say anything at that time," saad ni Ruby kay Jessica.

Ang pag-uusap umano nilang magkakaanak at mga kaibigan tulad ni Pauleen Luna, at mga nadidinig na papuri sa kapatid na duktor ang nakakatulong para matanggap nila ang sinapit ni Dr. Sally.

Masakit daw para kay Ruby ang pagpanaw ng kapatid dahil sobrang dikit sila at madalas na magkasama sa mga medical event at namamasyal na silang dalawa lang.

Hindi rin napigilan ni Ruby na maiyak nang ikuwento ang sandali na malaman niyang proud sa kaniya ang kapatid, dahil siya raw ang sobrang proud sa kapatid na duktora.

Panoorin ang buong panayam kay Ruby, gayundin ang madamdaming paglalahad ni Dr. Nikki Bautista, tungkol sa pumanaw niyang nakababatang kapatid na si Dr. Nicko Bautista, na nasawi naman sa isang trahediya.

Kilalanin din ang mag-asawang duktor ng Cebu na sina Dr. Ramon at Dr. Helen Tudtud, na kapwa nasawi rin dahil sa virus.

Alamin din ang kuwento ng pumanaw na Doctor to the Barrio na si Dr. Marcelo Jaochico, mula naman sa kaniyang anak na si Ma. Cieloanne.--FRJ, GMA News