Hindi lang sa pagsayaw at pag-arte mahusay ang Kapuso hunk actor at 'Descendants of the Sun' star na si Jon Lucas dahil kaya rin pala niyang gumawa ng kanta.

Sa kaniyang Instagram account, ibinahagi ni Jon ang ginawa niyang awitin na alay niya para sa mga frontliner na patuloy na lumalaban sa COVID-19 pandemic.

 

 

"Pilipino, sama-samang harapin ang problemang ito. Hindi tayo susuko, kilala tayo na buo ang loob. Tayo'y mga Pilipino, sama-sama hanggang matapos ito. Hindi tayo susuko, hanggang sa wakas kasama natin ang Diyos," saad sa lyrics ng kanta na mismong si Jon ang nagsulat.

Pinasalamatan naman niya ang anak ni Senator Manny Pacquiao na si Michael Pacquiao para sa musical score ng kanta.

"Muling nakalikha ng Isang awit para sa ating mga Frontliners. Para sa mga MODERNONG BAYANI na walang pag-aalinlangan na nagsasakripisyo at naglilingkod para sa Bayan! Maraming salamat po sainyo! Itong awit na ito ay mula po sa aking puso. Bilang Kababayan niyo alam ko ang hirap niyo sa araw araw. Sana makatulong po sainyo sa ganitong paraan," caption ni Jon sa kaniyang Instagram.

Bumuo rin si Jon ng kanta para sa kaniyang mga kapatid sa Iglesia ni Cristo.

 

 

"Hello po sainyong lahat! May sinulat akong kanta para sa aking mga Kaibigan at KAPATID na lubos na naapektuhan ng mga pangyayaring ito sa mundo. Sa ganitong paraan sana makatulong kami sainyo, hindi man kami makapag abot ng inyong pangangailangan. Pero bilang kaisa ng Pamamahala nais namin na patatagin pa ang inyong loob. Pagpasensyahan niyo na po ang aking BOSES, pati ang TONO! Pero pangako mula po yan sa puso ko ."


--Jamil Santos/FRJ, GMA News