Sa "Tutok To Win," nakapanayam ni Kuya Willie Revillame si Senator Manny Pacquiao, kung saan pinag-usapan nila kung paano sila magtutulungan sa mga higit pang nangangailangan ngayong nahaharap ang bansa sa COVID-19 crisis. At isa sa mga inihayag ni Kuya Wil, ang ibenta na raw kahit kalahati ng kaniyang mga ari-arian.
Sa kanilang pag-uusap, binanggit ni Kuya Wil, na nasa Puerto Galera, na gusto na niyang makauwi sa Maynila para sa mga kababayan. Humihingi na lamang daw siya ng permiso sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) at Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa kaniyang pag-uwi.
Naka-order na raw siya ng bigas sa halagang P1 million, kasama pa ang mga noodles at sardinas. Balak din daw niyang magpagawa ng PPE (Personal Protective Equipment) at sila na ang magdadala sa mga nangangailangan.
"So hindi ito pampagaling, hindi ito pasikatan. Kailangan natin itong gawin kasi marami na talaga tayong kababayang naghihirap at nagugugtom. Ayoko namang iasa lahat sa gobyerno dahil siyempre 'yung gobyerno nag-iingat din sa buhay nila," saad ni Kuya Wil.
"Hindi ako nagcha-challenge. Ang gusto ko, humingi ng tulong sa inyo," sabi ng Wowowin host kay Senator Manny.
Ayon pa kay Kuya Wil, naiisipan na niyang ibenta ang ilan niyang mga ari-arian.
"Sa totoo nga 'yung ibang property ko, gusto kong ibenta. Gusto ko talagang, kahit kalahati na ang mabenta, ibigay na. Dahil kawawa ang ating mga kababayan, sobra, nakikita sa hirap," anang Wowowin host.
"Tulungan natin 'yung gobyerno, makiisa tayo sa mga patakaran ng gobyerno at mag-initiate na rin tayo ng sarili natin na makatulong, makaambag sa mga programa ng gobyerno para sa taong bayan," tugon ng senador.
"Especially, 'yung pagbibigay ng bigas, pagkain sa mga tao na nagugutom. Kasi naiintindihan ko talaga ang mga tao na nagugutom dahil alam niyo, 'yang one week, two weeks, one month, napakatagal na po 'yan. Kung walang ayuda ng gobyerno, magugutom ang taong bayan, magugutom ang bawat pamilya," dagdag ni Pacquiao.
"Mabuti naman 'yang gagawin mo, makakatulong din naman sa tao. Puwede nang mabigyan ng permit na makauwi ka dito sa Manila," pagtiyak ni Senator Pacquiao kay Kuya Wil. — Jamil Santos/DVM, GMA News