Nagkomento si Alden Richards sa mga nakatutuwang #AldenPautang at "Cash Lending On You" memes matapos niyang ipakita ang kaniyang bigatin at level up na gaming setup.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing gagamitin ni Alden sa pag-stream ng mga paborito niyang video games online ang kaniyang gaming console.

Gamer na si Asia's Multimedia Star mula pa pitong taong gulang siya, at paborito niyang pampalipas-oras ang paglalaro ng mga mobile game.

Pero ngayong level up na ang kaniyang pagiging gamer, pinagkagastusan na rin niya ang setup ng kaniyang personal computer.

"Hobby ko siya and at the same time gusto ko rin talagang mapakita sa gaming community na I'm part of them. Konting konting celebrities lang ang very into gaming," sabi ni Alden.

Tampok sa high-end na specs ng gaming console ni Alden ang CPU na may water-cooling system, mamahaling computer monitor, at modernong keyboards.

Kaya naman nang mag-post si Alden, agad itong nag-viral at trending ang #AldenPautang.

May mga nag-tweet din na tinawag si Alden na si Captain Ri---chard ng "Cash Lending On You."

"Natawa lang din ako nang mag-trend siya and, well actually, I can say this proudly na ano mang meron ako ngayon, pinaghirapan ko 'yun. Kung ano mang mga bagay na naibigay ko sa pamilya ko at sa sarili ko at sa ibang tao, it's all from blood, sweat and tears."

Mayroon ding post si Alden na naka-pose sa red Ferrari, pero may nilinaw siya tungkol dito.

"Pinatest drive lang siya, wala naman akong sinabing sa akin 'yun," natatawang sabi ni Alden. "Nagpa-picutre lang pero pinahiram sa akin ng may-ari for one week."

Busy na rin si Alden sa pagpaplano ng kaniyang ika-10 taong anibersaryo sa showbiz sa Hulyo 25. Mayroon siyang isang major concert sa Araneta Coliseum.

Very involved daw si Alden sa planning dahil gusto nilang ipakita ang kaniyang journey mula noong nagsisimula siya hanggang ngayong sikat na siyang artista.

"'Yung after the show, sasabihin nila ''Yun pala 'yung story, mas maiintindihan nila 'yung pinagdaanan ko all throughout those ten years," sabi ni Alden. —NB, GMA News