Isang mabuting ama, anak at kapatid na maituturing ang food vlogger na si Dongz Apatan ng Iligan City, batay sa mga pahayag ng kaniyang pamilya. Kaya naman labis ang kanilang kalungkutan nang bigla na lang siyang atakihin at pumanaw. May kinalaman nga ba ang ginagawa niyang "mukbang" videos sa kaniyang maagang pagpanaw?
Ang salitang mukbang ay dalawang Korean words na pinagsama na: "mukneom" o to eat, at ang "bangsong" o to show.
Ipinaliwanag sa "Kapuso Mo, Jessica Soho" ng Asianist at historian na Tyrone Nepomuceno, na nauso ang "mukbang" sa South Korea nang dumami noon ang mga tao sa naturang bansa na namumuhay na mag-isa.
"So kapag nanonood sila na-e-enjoy nila yung kumakain sa video. Nagkakaroon sila ng parasocial relationship," paliwanag niya.
Nagsimulang mag-vlog ang construction worker na si Dongz noong 2019. Mga charity work o pagtulong noong una ang kaniyang content. Hanggang sa malipat siya sa mukbang content nang makita niya na mas marami ang nanood ng kaniyang videos na kumakain.
Ang kinikita ni Dongz sa pagba-vlog, ipinangtutustos niya sa kaniyang tatlong anak na siya ang nagtataguyod dahil hiwalay na siya sa kaniyang asawa.
Ang kaniyang ina na si Nanay Letecia, hindi pa rin makapaniwala na wala na si Dongz na nakakatulong sa kanila.
Ayon kay Leah na kapatid Dongz, mapagbigay at breadwinner sa kanilang pamilya ang namayapang vlogger.
Nilinaw din ni Leah ang maling mga impormasyon na lumalabas sa social media na ang pagkain ni Dongz ng nilagang ulo ng baka na ginawa nitong content ang dahilan ng kaniyang pagkamatay.
Paliwanag ni Leah, June 1 ginawa ng kaniyang kapatid ang pagkain ng ulo ng baka na hindi naman isang kainan lang, at June 13 inatake si Dongz.
Nang mangyari ang atake kay Dongz, mga prinitong manok ang kaniyang nilantakan bilang content sa kaniyang vlog.
Isinugod siya sa ospital pero binawian siya ng buhay pagkaraan ng siyam na oras.
Ayon kay Dr. Gerald Tambalo, na tumingin kay Dongz, comatose na ang vlogger nang dumating sa kanila dahil sa pagdurugo ng utak, dulot ng left hypertensive bleed with herniation syndrome o brain attack.
Sinabi ng doktor na may kinalaman ang lifesytle ng isang pasyente para magkaroon ng naturang sakit.
Napag-alaman na dati nang may high blood si Dongz, at nasa lahi ng kaniyang pamilya ang naturang sakit dahil may high blood din ang kaniyang ama at ina.
Ayon kay Leah, taong 2021 nang makaramdam ng sintomas ng high blood si Dongz dahil idinadaing nito ang pananakit ng batok.
Dahil walang sapat na pambili ng maintenance na gamot, naghanap si Dongz ng alternatibong paraan na panlaban sa high blood na tubig mula sa katawan ng saging na ginawa rin niyang content
Paniwala ni Dongz, nakakatulong ang pag-inom niya ng tubig mula sa puno ng saging para mapababa ang kaniyang blood pressure.
Ngunit ayon sa nutritionist na si Jake Brandol Andal, wala pang malinaw na pag-aaral ang medisina na makapagpapatunay na nakagagamot ng altapresyon ang pag-inom ng tubig mula sa puno ng saging.
Sabi ni Leah, itinigil ni Dongz ang pag-inom ng tubig ng saging ilang buwan pa lang ang nakararaan dahil sa paniniwala nito na normal na ang kaniyang blood pressure.
Gayunman, sinabi ni Leah na pinapaalalahanan nila ang kapatid na huwag masyadong kumain ng matatabang pagkain.
Dahil sa nangyari kay Dongz, nais ng Department of Health na ma-regulate ang mukbang content dahil sa posibleng negatibong epekto nito sa kalusugan ng tao.
Umaapela naman si Leah na bukod sa fake news, itigil na sana ang pamba-bash sa sinapit ng kaniyang kapatid.
"Please tigilan niyo na po ang pamba-bash kasi namatayan po kami. Ang kailangan namin is comfort hindi pamba-bash," hiling ni Leah.--FRJ, GMA Integrated News