Natagpuan na nakagapos at may tama ng bala ng baril ang bangkay ng isang 24-anyos na babae sa Albuera, Leyte.

Batay sa impormasyon mula sa Albuera Municipal Police Station, dakong 2:15 am noong July 17, 2024, nang may makakita sa bangkay ng babae sa gilid ng daan sa Barangay Benolho.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Paula Gonzalo, SK kagawad ng Barangay South sa Ormoc City.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nagtungo ng Cebu ang biktima at pauwi na nang matagpuan ang kaniyang bangkay.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa krimen, habang wala pang pahayag ang pamilya ng biktima.

Hinikayat naman ng Albuera MPS ang sino mang may impormasyon sa naganap na krimen na makipag-ugnayan sa kanila para mabigyan ng hustisya ang biktima.-- FRJ, GMA Integrated News