Bigo pa rin ang pelikulang pambato ng Pilipinas na makapasok sa shortlist ng Best Foreign Language Film category ng Oscars, na ginawa nang International Feature Film category.

Hindi kasama ang pelikulang "Verdict" sa listahan ng 10 pelikula na nakalusot sa shortlist. Mula rito, sasalain pa ang mga pelikula para piliin ang limang maglalaban bilang pinakamahusay na dayuhang pelikula.

Ang mga nakalusot na pelikula ay ang mga sumusunod:

Czech Republic: The Painted Bird
Estonia: Truth And Justice
France: Les Misérables
Hungary: Those Who Remained
North Macedonia: Honeyland
Poland: Corpus Christi
Russia:  Beanpole
Senegal: Atlantics
South Korea: Parasite, at
Spain: Pain And Glory.

Malalaman ang mga pelikulang makakasama sa nominasyon sa Enero 13, 2020, habang sa Pebrero 9, 2020 naman gaganapin ang awarding ng Oscars.

Ang "Verdict" ay pinagbibidahan nina  Maxine Eigenmann at namayapang si Kristoffer King, at sa direksyon ni Raymund Ribay Gutierrez.

Tungkol ang istorya sa inabusong misis na naghahanap ng hustisya.

Nanalo ang naturang pelikula ng Special Jury Price sa Orizzonti competition ng Venice Film Festival 2019. Naipalabas pa ito sa Toronto Film Festival, Busan Film Festival, at Pista ng Pelikulang Pilipino.

Nitong nakaraang Setyembre nang ianunsyo ng Film Academy of the Philippines (FAP) ang pagkakapili sa "Verdict" na pambato ng Pilipinas sa Oscars.

Noong nakaraang taon, ang pelikulang "Signal Rock" ni direk Chito Roño, at pinagbidahan ni Christian Bables, ang naging pambato ng Pilipinas sa naturang kategorya ng Oscars na nabigo rin.--FRJ, GMA News