Ikinuwento ni Bianca Umali na halos isang buwan mula nang mag-audition siya bago niya nalaman na nakuha niya ang lead role sa ikatlong season ng HBO Asia dark action fantasy series na "Halfworlds."

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes,  sinabing gagampanan ni Bianca ang role bilang si Alex, isang half-human at half-engkanto.

"I was so happy, I was crying, I was jumping and exploding with so much joy but. I couldn't tell the people why I was so happy," sabi ni Bianca dahil top secret pa noon ang proyekto.

Sa isang panayam noon unang bahagi ng Nobyembre, inamin ni Bianca na excited siya dahil kabilang siya sa ikinakasang isang malaking proyekto pero hindi muna niya binanggit kung ano dahil confidential pa.

"It would be guaranteed na malaking-malaking project... pinaghahandaan nang bonggang- bonga," sabi noon ni Bianca.

Bilang paghahanda sa role, sumailalim ang aktres sa sword fighting training.

Sa pamamagitan ng "Halfworlds," masi-share daw niya sa buong mundo
ang kaniyang talento at pagmamahal sa kanyang ginagawa.

"I'm very thankful. never in my dreams, or never have I imagined that I would be here, I would be working with HBO," pahayag ng dalaga.

Sa ilalim naman ng direksyon ni Mikhail Red, kukunan ang mga eksena ng series sa Pilipinas, bagay na first time na mangyayari sa HBO-Asia.

Ang "Halfworlds" ang longest-running series para sa HBO-Asia.--FRJ, GMA News