Nanawagan si Ariel Villasanta sa kaniyang comedy partner na si Maverick Relova, na hindi na niya nakakausap dahil lumayo na lang ito umano.

Ayon sa mga lumalabas na ulat, nag-ugat ang pagtatampo ni Maverick nang hindi natuloy noon ang pelikula nilang dalawa ni Ariel, pati na rin ang iba pa nilang proyekto.

"Si Maverick, medyo nasaktan siya, eh. Nasaktan siya talaga doon sa nangyari sa amin," panimula ni Ariel sa entertainment reporters sa media conference ng kanilang pelikulang "Kings Of Reality Shows" kamakailan sa Quezon City.

"So, 'yung partner ko, kasi ako, may day job ako eh. 'Yung partner ko talagang wala."

Pinabulaanan ni Ariel ang mga haka-hakang gumamit ng ipinagbabawal na gamot si Maverick.

"Siyempre, alam ninyo, 'pag nag-aartista, minsan naiiba 'yung lifestyle, biglang medyo... nasaktan siya. It’s either nag-business na lang siya o may nagsabing nag-drugs... hindi ho nag-drugs si Maverick."

"Puwedeng na-depress, puwedeng lumayo na lang, lumayo na lang sa ating lahat," suspetsa pa ni Ariel.

Wala na raw komunikasyon si Ariel sa kaniyang comedy partner.

“Pati ako hindi na rin kinakausap. Lumayo na lang sa ating lahat. Puwedeng naging ispiritwal. Sa totoo lang, hindi ko masabi kung ano siya talaga ngayon eh."

Ipakikita ng pelikulang "Kings of Reality Shows" ang pinagdadaanan ng isang struggling artist.

Makikita rin aniya sa pelikula ang paglayo ni Maverick.

"Pero iyang istoryang iyan, maganda iyan, makikita ninyo sa pelikulang ito, kasali 'yun."

Natanong din si Ariel ng entertainment reporters kung bumalik si Maverick sa Amerika, kung saan kinuha ang kanilang pelikula.

“Ang alam ko, bumalik eh pero wala akong balita. Alam mo, ni Facebook wala, wala! Sabi nina Keempee [de Leon] talagang lumayo siya eh. Hindi sumasagot sa text, as in lumayo siya," ani Ariel.

"At least alam niyo. Pero 'pag nanood 'yung mga tao, makikita nila 'yung istorya na kung ano ang nangyari kay Maverick," dagdag pa ni Ariel.

Dahil dito, may mensahe si Ariel kay Maverick.

"Kay Maverick, basta, sana, kung anuman ang nangyari, kung naudlot man, kung anuman 'yung naudlot, kung anuman 'yung nangyari... sana 'yung pagkakaibigan eh nandiyan pa rin."

Umaasa aniya si Ariel na magkakaayos pa rin sila ng kaniyang ka-tandem.

“Alam niyo, itong mga nangyayaring ito, lilipas lahat ito, eh, 'yung mga kung anumang mga materyal na ito, kung ano man itong nasa limelight ka, sikat ka.. lilipas 'yan eh! Nakikita natin lahat ito pero sa akin, sana sa pagkakaibigan, nandiyan lagi." —Jamil Santos/LBG, GMA News