Maituturing lodi pagdating sa matibay na pagsasama bilang mag-asawa ang celebrity couple na sina Christopher de Leon at Sandy Andolong na nag-renewal of vows sa abroad kamakailan.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing matapos mapanood si Christopher sa Kapuso series na "Toda One I Love," si Sandy naman ang makakasama sa upcoming series na "Dahil Sa Pag-ibig."

Maliban sa beterano sa pag-arte, patunay din ang mag-asawa na may "forever" sa pag-ibig. Matapos ng halos 40 taon ng kanilang pagsasama, muli silang nagpakasal na ginawa sa Ha Long Bay sa Vietnam.

Habang overlooking ang mga isla, kitang-kita rin sa kanilang wedding video kung gaano sila ka-sweet sa isa't isa.

"Our dear lord god gave you to me. i was asking for, this was like almost 40 years ago, someone to love and he gave you to me," sabi ni Christopher.

Sa halos apat na dekada ng kanilang pagsasama, biniyayaan sila ng limang supling.

"For almost 40 years, we've weathered all the storms life has thrown to us. because of our deep commitment and love for each other, but more so, because of god's love for us, of our faith and our trust in him," saad ni Sandy. -- FRJ, GMA News