Marami ang nagagandahan sa pangalan ng Kapuso teen star na si Angel Guardian na parang binaliktad na "Guardian Angel." Kaya tingin tuloy ng iba, hindi niya ito tunay na pangalan at screen name lang. Ano nga ba ang totoo? Alamin.
"Actually hindi po siya screen name. 'Yon 'yung akala ng tao. Whole name ko po is Angel Grace T. Guardian. So 'yun po talaga 'yung name ko like sa papers and everything," paliwanag niya.
"Pero hindi siya planned actually. Long story pero 'yung Guardian, sa mom ko siya. Filipina 'yung mom ko pero Guardian 'yung last name niya. Tapos noong bata ako, ang bitbit kong last name, sa dad ko. So naging 'Guardian' ako, college na," paliwanag pa niya.
"Kaya hindi siya planned na 'Angel' as 'Guardian,' accident lang siya lahat," natatawa pa niyang dagdag.
Bagaman napanood na rin sa ilang programa ng GMA, pero mas napansin si Angel nang mapanood siya sa isang episode ng Kapuso series na "Onanay."
READ: Angel Guardian, hindi raw inasahan na mapapansin siya sa 'Onanay'
Maliban sa pag-arte, pinasok na rin ni Angel ang mundo ng pagkanta matapos siyang pumirma ng kontrata sa GMA Music nitong Huwebes.
Artists who signed with GMA Music today: Angel Guardian @gmanews pic.twitter.com/UwkMvbNtLd
— Jamil Santos (@Jamil_Santos02) February 21, 2019
Iba-iba raw ang music na kaniyang pinapakinggan kaya gusto niya pa mag-explore ng sarili niyang genre.
"Ayoko kasing mag-stay lang sa isang genre na masyado na kasing common. And ako, andami kong pinapakinggang music, Hip Hop, Soul music, R&B, Pop. Andami kong nasa isip kaya ayun, tina-try ko pa na ihalo-halo 'yun, hangga't kaya ko. Para makagawa ako ng ibang tunog naman na hindi na masyadong common," saad niya.
Marunong din daw siya ng iba't ibang instrumento.
"Ukelele. Dati, nagbe-base din ako, and piano konti. Pero kasi ngayon guitar na lang nahahawakan ko," kuwento niya.
Sabi pa ni Angel, mas hilig talaga niya ang pagsusulat ng mga tula, at kamakailan lamang niya nadiskubre ang talento sa pagkanta.
"Actually mas madami akong sulat. More on poems 'yung sinusulat ko, pero hindi ko siya nalalapatan ng music. Kasi before hindi ko rin nare-recognize na may boses ako, actually, ngayon lang [nagsi-sink in] sa akin na 'Oh marunong pala akong kumanta! Kaya parang ngayon lang ako na-indulge sa music, and sobrang na-e-enjoy ko and everything," ayon sa dalaga.
Sadya lang din daw nadiskubre ni Angel ang kaniyang boses nang sumalang sa audition sa Kapuso Network.
Before kasi may mga audition, may mga panel. 'Pag haharap kami sa mga boss, kumakanta talaga ako, [sinusubukan] kong kumanta, kasi sinasabi rin ng handler ko na kumanta ako, so kumakanta ako."
"Pero actually kasi, I was a dancer before, so more on focus ko 'yun kesa singing. I sing the way I know how to sing," paliwanag pa niya.
Kaya naman masaya siyang makakabuo na rin siya ng kaniyang mga kanta sa ilalim ng isang recording company.
"Nakakatuwa, sobrang unexpected," sabi ni Angel. -- FRJ, GMA News