Aminado si Kapuso actress Janine Gutierrez na magkaiba ang ugali niya sa tunay na buhay kumpara sa ginagampanan niyang karakter sa pelikulang "Elise."
"Oo, parang ang pinakakinaiinisan ko ngang trait sa sarili ko is mahiyain. Parang feeling ko kasi dapat makapal talaga 'yung mukha mo para maging successful ka. Parang kailangan talaga may bilib ka sa sarili mo and confident ka. So nu'ng ginagawa nga 'yung Elise tina-try ko na talagang sana hindi na mawala 'yung mga ibang characteristics niya sa akin," saad ni Janine sa ginanap na blog conference ng "Elise" nitong Martes sa Quezon City.
Well, I guess ang lesson ko lang from this movie, is importante talaga na kapag may gusto kang tao or kapag may mahal kang tao sabihin mo sa kanila, kasi hindi mo alam kung, malay mo, ganu'n din ang nararamdaman nila para sa 'yo” - Janine on “Elise” movie @gmanews pic.twitter.com/wMVqlVchpX
— Jamil Santos (@Jamil_Santos02) January 29, 2019
Kahit nasa showbiz, aminado si Janine na nananatili pa rin siyang mahiyain.
"I feel that way sometimes na kailangan ko pa talagang maging mas palaban," saad niya.
Paglalarawan pa ni Janine sa palabang karakter niyang si Elise: "Positive siya na tao, may bilib siya sa sarili niya na kaya niyang ma-overcome kung ano man 'yung mga problema niya sa buhay niya, kahit na sinasabi ng mga tao na hindi niya kayang gawin 'yung isang bagay. Kung naniniwala siya na kaya niya, ilalaban niya talaga."
Makakasama ni Janine sa pelikula ang aktor na si Enchong Dee, na gagampanan ang role ni Bert, kababata ni Elise.
Sa mura nilang edad, mapapamahal sila sa isa't isa at kinalaunan ay maghihiwalay ng landas. Ngunit matapos ang ilang taon, muling magkakatagpo sina Elise at Bert pero may boyfriend na si Elise.
"Nu'ng nagkita kasi ulit sila ni Enchong for the first time, meron siyang boyfriend, which is played by Miko Raval na parang, hindi pala okay 'yung lalaking 'yun kaya 'yun 'yung hugot niya na parang 'yung taong mahal niya, niloloko lang pala siya."
Paliwanag naman ni Janine tungkol sa karakter ni Bert, "Torpe, mahiyain, tahimik, mahinhin. So kami 'yung sobrang opposites kami."
Ang kuwento ni Elise ay hango sa totoong buhay, o biopic.
"Inspired by a true story. So I guess kaya rin sobrang naka-relate kami ni Laura sa script kasi nga base siya sa mga totoong pangyayari, and simple lang kasi 'yung kuwento," kuwento ni Janine. Pero parang sa totoong buhay, nagiging complicated lang dahil sa, kunwari may mahal ka, hindi mo kayang sabihin, gano'n. Aalis siya hindi mo kayang pigilan."
Inihayag ni Janine ang lesson ng pelikula.
"Well, I guess ang lesson ko lang from this movie, is importante talaga na kapag may gusto kang tao or kapag may mahal kang tao sabihin mo sa kanila, kasi hindi mo alam kung, malay mo, ganu'n din ang nararamdaman nila para sa 'yo."
Produced ng Regal Entertainment para sa pre-Valentine's Day, ipapalabas ang Elise sa Pebrero 6.-- FRJ, GMA News