Inihayag nina Kapuso Primetime King at Queen Dingdong Dantes at Marian Rivera na alam na nila ang gender ng kanilang ikalawang baby.

"Basta nandiyan na 'yan, siyempre alam na namin, gusto lang namin ng timing," saad ni Dingdong sa press conference ng The Color Run Hero Tour sa GMA Network nitong Huwebes.

 

 

Sinegundahan naman ito ni Marian na, "Alam na namin, pero definitely soon ire-reveal namin 'yung gender."

Nang tanungin si Marian kung kailan nila ito balak i-anunsyo, sabi ng aktres, "End of this November."

"Very excited and happy siyempre, lalo sabi ko nga, padagdag nang padagdag 'yung pamilya namin," dagdag pa ni Marian.

Muling inihayag ni Marian ang kasiyahan sa pagdating ng ikalawa nilang anak dahil pangarap talaga niyang maging isang ina.

"Gusto ko kasi ito eh. Pangarap ko talaga kaya siguro nagre-reflect din sa akin na masaya talaga," saad niya.

Si Dingdong naman, sinabing ang pagkakaroon ng mga anak talaga ang layon ng kanilang kasal.

"May dahilan kung bakit ngayon siya ibinigay. As regards to 'yung kagustuhan naman na magkaroon ng pangalawa, pangatlo, pang-apat, magmula noong ikinasal kami.  'Yon naman talaga 'yung gusto na namin... 'di ba na, basta kung ano ang ibinigay subok tayo nang subok," pahayag ng aktor.

Dagdag inspirasyon daw sa kaniya ang bagong miyembro ng kanilang pamilya.

"Another blessing, another reason to be grateful na nabubuhay ako sa mundo. Another reason para gumawa ng mabuti sa kapwa, another reason para mas maging mabuting magulang kay Zia, another reason para mas maging exciting sa mga trabahong paparating," saad ni Dingdong.

Ayon pa sa mag-asawa, sinimulan na nilang tawaging "ate" si Zia para maramdaman na rin niya ang kaniyang responsibilidad.

"Kasi simula nang mabuntis ako, ang tawag na namin sa kaniya is ate eh. So may awareness na siya sa ganu'n," ani Marian.

"Tawag na namin sa kaniya ngayon ate eh kasi para malaman na niya na magiging ate na siya soon. Actually excited na siya du'n," sabi naman ni Dingdong.-- FRJ, GMA News