Ang kagandahan ng planetang Earth, kasama na ang mga kamangha-manghang tanawin at iba't-ibang uri ng mga halaman at hayop, ang itatampok ni Kapuso Primetime King Dingdong Dantes sa bagong GMA infotainment program na "Amazing Earth."

Ang programa ang magsisilbing Philippine presentation ng "Planet Earth II" ng British Broadcasting Company (BBC).

 

 

"Napakalaki ng ating planeta and there are still so many things that have to be explored, and minsan may mga bagay na hindi natin marating sa ating dalawang paa na kahit naka-eroplano ka, naka-speed boat ka, itong mga interesting na istorya ng ibang mga nilalang sa ating planeta ay hindi pa natin nakikita," sabi ni Dingdong sa press conference ng programa nitong Miyerkoles sa GMA Network.

"Planet Earth II through Amazing Earth, which is to show these stories itong mga kuwentong kakaiba ng mga hayop," dagdag ni Dingdong.

Bukod pa rito, papasyal din si Dingdong sa iba't-ibang lugar sa Pilipinas para ipakita ang sariling ganda ng ating bansa.

"Dito, natututo rin ako kasi ang mga istoryang ito ay mga bagay na hindi ko rin alam. Katulad ng viewer, kasabay ko sila at kasama ko silang natututo, nag-e-enjoy, at nalalaman namin kung ano ba itong mga amazing bagay na ito sa ating kapaligiran. Together with the audience I grow with them, I become entertained and I become informed," anang aktor.

 

 

Mas magiging maganda na ngayon ang pagtutok ng viewers sa mga iba't-ibang klase ng hayop dahil sa makabagong teknolohiyang ginamit tulad ng ultra high definition cameras, remote recording at aerial drone technology.

"Nandiyan na po 'yung mga high-tech na 4K cameras kung saan puwede mo nang sundan 'yung action ng mga lizard, ng mga hayop na mabibilis kumilos na minsan, 'pag gamit mo ng naked eye, hindi mo talaga siya ma-a-appreciate, pero dahil sa galing ng technology, nasusundan niya talaga 'yung lahat ng detalye at galaw at buhay ng mga hayop na ito," saad ng aktor.

Sinabi ni Dingdong na itatampok din ang mga "local hero" na makakapagkuwento tungkol sa mga hayop sa kanilang kapaligiran, para mas maka-relate ang Pinoy audience.

Kuwento ni Dingdong, ginawa ang Planet Earth II sa loob ng limang taon at ginamitan ng malaking budget ng BBC, kaya hamon sa kaniya ang pag-localize ng content para maging interesting sa Filipino audience.

Ipapalabas ang "Amazing Earth" kada Linggo, simula sa Hunyo 17, 2018, 6:10 p.m. pagkatapos ng "24 Oras Weekend."-- FRJ, GMA News