Nagbabalik-Kapuso ang aktor na si Paul Salas matapos siyang pumirma ng exclusive contract sa GMA Network nitong Huwebes, Mayo 17, 2018.
Kasamang pumirma ni Paul sina Senior Vice President for GMA Entertainment Content Group Lilybeth Rasonable, Senior Assistant Vice President for Alternative Productions Gigi Santiago-Lara, at kaniyang manager na si Perry Lansigan.
Paul Salas returns to Kapuso as he signs an exclusive contract with GMA Network today, May 17, 2018. @gmanews pic.twitter.com/48gmFVkZIe
— Jamil Santos (@Jamil_Santos02) May 17, 2018
"So happy to be here ulit, I'm home. Sobrang saya, hindi ko po matago 'yung ngiti ko, na-o-overwhelm ako sobra, ang ganda ng pag-welcome sa akin dito," sabi ni Paul.
Graduate si Paul ng Kapuso kid talent search show na "Starstruck Kids," kung saan naging batchmate niya sina Miguel Tanfelix, Bea Binene, at Ella Guevara.
"Na-miss ko rin ito (GMA). I was a 'Starstruck' kid eh, so talagang dito na rin ako lumaki," ayon sa aktor. "So excited na makasama ko sila kasi siyempre, mga childhood friends ko 'yan eh."
Kuwento pa ni Paul, mga bagong ka-close na niya sina Ruru Madrid, Juancho Trivino, at Kyline Alcantara.
Napanood si Paul noon sa "Mulawin" (2004), "Majika" (2006), at "Mga Kuwento ni Lola Basyang" (2007).
Hanap na ngayon ni Paul ang mga mature role.
"Ngayon gusto ko sana is mature na, tapos kung may superhero puwede rin. Gusto kong ma-try ang action naman, or kontrabida or any drama, puwede rin," saad niya.
"Any naman po, kung ano po 'yung plan sa akin ng GMA, talagang I'll wait for it and grab the opportunity," dagdag ni Paul.
Excited din si Paul na sumali sa iba't-ibang GMA game shows.
"I can't wait na sumali sa mga games dito. Kasi alam naman natin na GMA, talagang number one 'yan sa mga games, so I can't wait," pahayag niya. -- FRJ, GMA News