Para sa actor-director na si Ricky Davao, isang model-actress na dapat na gayahin ng ibang artista si Barbie Forteza.
"Si Barbie, nakasama ko na sa isang movie, 'yung 'Mariquina.' Nanalo siya du'n, tapos eto ('Inday Will Always Love You'). Gusto ko lang sabihin na si Barbie is a model-actress," sabi ni Ricky sa press conference ng naturang serye nitong Biyernes sa GMA Network.
Paliwanag ng direktor, maraming katangian si Barbie na nagpapakita ng kaniyang professionalism sa trabaho.
"Sinabi na nga naman nilang lahat, unang-una, napaka-respectful, tahimik, sobrang tahimik 'pag nagtatrabaho, pero maingay din from time to time. Seryoso sa trabaho, memoryado niya, alam niya lahat ng gagawin, walang reklamo. Bukod pa ro'n, napakagaling niya, very versatile," sabi ng batikang actor-director.
"I've worked with a lot of actresses, pero si Barbie, sa age group niya, palagay ko, dapat siya ang tularan ng mga gustong sumikat. She's a model actress of her generation," sabi pa ni Ricky.
"Ang galing-galing, nakakatuwang ka-eksena," pagpuri pa ng beterang aktor.
"Flattered" naman si Barbie sa papuri sa kaniya ng direktor.
"Nakakagulat lang po kasi hindi ko naman po ina-anticipate na, kaya ko ginagawa 'yun para may masabi po sila sa akin," anang dalaga.
Ngunit may paliwanag si Barbie kung bakit tahimik siya sa set ng "Inday Will Always Love You."
"Maniwala po kayo sa hindi, kaya po ako tahimik sa set kasi kino-conserve ko po 'yung energy ko. Kasi nga 34 sequences kami in a day, ako po lahat 'yon. So hangga't kaya ko po, kino-conserve ko po ang aking enerhiya dahil si Happylou ay napaka-hyper na babae so 'pag hindi po take tahimik po ako," paliwanag.
Bibida si Barbie sa Inday Will Always Love You, kung saan gagampanan niya ang karakter ni Happylou Magtibay, isang magle-lechon sa Maynila na hahanapin ang kaniyang ama sa Cebu.
Barbie Forteza as Happylou/Inday for GMA’s upcoming series “Inday Will Always Love You.” Will premier May 21 on GMA Telebabad. @gmanews pic.twitter.com/ObVAjTSWQj
— Jamil Santos (@Jamil_Santos02) May 11, 2018
Tutulungan siya ng kababata niyang si Ernest (Juancho Trivino) para makapunta sa "Queen City of the South," kung saan mai-in love rin sa kaniya ang binata.
Ngunit dito rin makikilala ni Inday si Patrick (Derrick Monasterio), isang mayamang Cebuano.
"Dito niyo po mapapanood ang journey ni Happylou sa kaniyang paghahanap sa kaniyang tatay na nasa Cebu... More on excitement dito kasi... very fresh ang concept, very fresh lahat, so bago sa panlasa ng mga tao, and isa pa, napaka-relatable din po nito," sabi ni Barbie.-- FRJ, GMA News