Itinanghal ang Kapuso actor-director na si "My Korean Jagiya" cast member Ricky Davao bilang Best Supporting Actor sa katatapos lang na 65th FAMAS Annual Awards nitong Huwebes ng gabi. At ang plano raw niya sa 2018, ang patuloy na magpapayat.

 

 

Ang naturang parangal ay para sa pagganap niya sa pelikulang "Iadya Mo Kami."

"Nakakatuwa rin. Siyempre every actor naman, everytime he gets a recognition, heaven 'yon. Walang kapantay," sabi ni Ricky.

Bukod pa sa pagkapanalo, natutuwa rin si Ricky na na-extend ang "My Korean Jagiya" hanggang 2018.

"Na-cast kasi ako sa 'My Korean Jagiya' as 'tita Josie.' So na-extend kami, na-extend extend so ang sarap ng feeling," aniya.

Natutuwa rin daw si Ricky na sinusubaybayan ang kanilang programa ng mga OFW abroad.

"Nakakatuwa kasi may mga lumalapit sa amin ni Janice [De Belen]. Natutuwa sila sa amin. Ang sarap ng feeling na nilalapitan ka, sasabihin, 'Uy bago kami matulog kayo pinapanood namin at ang saya-saya namin. Bago kami magdasal kayo muna pinanonood namin.' Sabi ko, 'Wow ang ganda!,'" kuwento ni Ricky.

Sa pagpapalit ng taon, plano raw ni Ricky na pangalagaan ang kaniyang pangangatawan bilang kaniyang New Year's Resolution.

"Nagpapapayat kasi ako eh so sana tumuloy-tuloy. I started three months ago. I lost 18 pounds, I'm trying to lose 20 more. 'Pagka-minus 20 pounds magtu-two piece na ako," natatawa niyang pahayag. -- FRJ, GMA News