Nasawi ang isang 73-anyos na babae matapos siyang mabangga at pumailalim sa isang ambulansiya na maghahatid ng pasyente sa Sta. Barbara, Pangasinan.

Sa ulat ni CJ Torida sa GM Regional TV One North Central Luzon, kinilala ang biktima na si Elsie Dion, negosyante na mula sa Calasiao.

Sa kuha ng CCTV camera sa Barangay Poblacion Norte sa Sta. Barbara, makikita na tumatawid ang biktima nang masalpok siya ng ambulansiya na minamaneho ni Julius Marzan, 44-anyos.

Dinala sa pagamutan si Dion pero idineklara siyang dead on arrival.

“Nakakalungkot. Nakakabigla sa buong pamilya,” sabi ni Emmie Dion, anak ng biktima.

Pag-aari ng Barangay Zone V sa Bayambang ang ambulansiya na maghahatid ng pasyente nang mangyari ang insidente.

Humihingi ng patawad ang nakadetineng si Marzan sa nangyari sa biktima.

“Wala pong may gustong mangyari ‘yun. Sana mapatawad nila ako,” pakiusap niya.

Sabi naman ni Emmie, “Mapapatawad pero tuloy pa rin ang kaso.” — FRJ, GMA Integrated News