Inihayag ni Jay Manalo sa isang ulat ng PEP.ph na masaya siya para sa kaniyang half-brother na si Julius na nakita na nito ang Korean na ina matapos ang 30 taon. Hindi naman nalalayo ang kuwento ng magkapatid dahil nawalay din pala si Jay sa kaniyang ina na isa namang Vietnamese.

Noong nakaraang buwan ng Setyembre nangyari ang pagkikita nina Julius at ina nito na si Oh Geum Nim sa South Korea. Naging daan sa kanilang pagkikita ang South Korean show na Mommy’s Spring Day ng TV Chosun.

Ipinalabas naman ang naturang kuwento ni Julius sa programang "Kapuso Mo, Jessica Soho."

BASAHIN: Pulis na half-brother ni Jay Manalo, muling nayakap ang Korean na ina matapos ang 30 taon

“I am very happy na nagkita na rin sila ng nanay niya,” sabi ni Jay sa artikulo ni Jojo Gabinete sa Pep.ph.

Isang musikero na overseas Filipino worker ang ama nina Jay at Julius na si Eustaquio.

Sa S. Korea isinilang si Julus, at hindi na niya nakita ang kaniyang ina dahil sa edad na anim, iniuwi na siya sa Pilipinas ng kaniyang ama.

Gaya ni Julius, edad na anim din pala si Jay nang nawalay sa kanyang Vietnamese mother na si Kim Lan Jones, na isang mang-aawit.

Taong 1995 nang magkitang muli sina Jay at kaniyang Vietnamese mother matapos ang matagal na panahon na wala silang komunikasyon.

Gaya din ng kuwento nang magkita sina Julius at Korean mother niya, marami rin ang pinaluha sa pagkikita nina Jay at Kim.

Nangyari ang pagkikita nina Jay at ang kaniyang ina nang nagsisimula pa lang ang showbiz career ni Jay. Sa Amerika na noon naninirahan ang kaniyang ina dahil nakapag-asawa ng sundalong Amerikano.

Ayon kay Jay, patuloy ang komunikasyon niya sa kaniyang ina, at mayroon siya ritong mga kapatid din sa ina.

Sinabi rin ni Jay na maayos ang relasyon niya kay Juluis na mas bata sa kaniya ng 13 taon. Siya raw ang bestman nang ikasal ang kaniyang kapatid.

“Tatlo kaming magkakapatid, kaso yung bunso namin, namatay at the age of five,” pagbabahagi ni Jay.

Sabi ni Jay tungkol kay Julius na isang pulis, “And I am proud sa kung ano ang status niya ngayon sa buhay. -- FRJ, GMA Integrated News