Patay ang rider at kaniyang angkas nang masalpok sila ng isang bus sa Dagupan City, Pangasinan.

Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV One North Central Luzon, sinabing nangyari ang insidente noong Sabado sa Barangay Tambac, Dagupan City

Batay sa imbestigasyon, sinabi ni Police Captain Shayne Daciego ng Dagupan City Police Station, na nag-overtake ang bus sa isang bus kaya kinain nito ang kabilang linya.

Nagkataon naman na paparating ang motorsiklo na sinasakyan ng mga biktima na kaniyang nakasalpukan.

Kapuwa nagtamo ng malubhang sugat sa ulo at katawan ang mga biktima na idineklarang dead on arrival sa ospital.

Nasa kustodiya naman ng mga pulis ang driver ng bus na walang ibinigay na pahayag.-- FRJ, GMA Integrated News