Paano kung ang kaluluwa ng yumao mong kapatid ay sumapi sa ibang tao para maghiganti?

Ito ang istorya ng bagong GMA drama serye na "Kambal Karibal," na ipalalabas na sa Lunes, Nobyembre 27, kung saan bida ang mas mature nang "BiGuel" love team nina Bianca Umali at Miguel Tanfelix.

Nangyari ang press conference ng palabas nitong Martes sa Quezon City, at doon ipinakilala na ang mga karakter ng stellar cast.

Si Bianca ay si Crisanta Bautista, isang batang nangangarap na maging engineer. Handa siyang gumawa ng mga sakripisyo para sa kaniyang kapatid na si Criselda, kahit pa iisang lalaki ang itinitibok ng kanilang puso.

Si Pauline Mendoza ay si Criselda, ang kakambal ni Crisanta na masasawi sa kaniyang pagkabata dahil sa isang sakit. Ngunit magpapakita ang kaniyang kaluluwa kay Crisanta at ipagpapatuloy ang kanilang pagsasama maging sa kabilang buhay.

Gagampanan ni Miguel si Diego Ocampo, ang lalaking kumakayod sa buhay dahil iniwan ng ama at nasa kulungan ang kaniyang ina. Makikilala niya si Crisanta at iibig sa kaniya.

Dito iikot ang kuwento, kung saan magagalit ang kaluluwa ni Criselda. Gagamitin niya ang katawan ni Cheska De Villa para sumapi at maghiganti kay Crisanta. Ang bagong Kapuso na si Kyline Alcantara ang gaganap kay Cheska.

Sasamahan sila ng mga beteranong mga aktor at aktres sa serye. Si Ms. Jean Garcia ay si Teresa Abaya; Marvin Agustin bilang Raymond De Villa; Alfred Vargas bilang Alex Magpantay; Carmina Villaroel bilang Geraldine Enriquez-De Villa.

Kasama rin sa cast sina Ms. Gloria Romero bilang Anicia Enriquez at Christopher De Leon bilang Emmanuel De Villa.

Kasama rin sina Jeric Gonzales bilang Benjo Claveria; Rafa Siguion Reyna bilang Vincent; Sheree bilang Lilian Ocampo; at Racquel Montessa bilang Mildred Abaya.

May special participation din sina Katrina Halili bilang Nida at Gardo Versoza bilang Noli.

Paglilinaw ni Bianca, iba raw ang "Kambal, Karibal" sa mga fantaserye kahit pa may elemento ng multo sa istorya.

"Ano po siya, malayo po siya doon. Ang Kambal Karibal, malayo po siya sa Haplos, sa Mulawin, sa Encantadia, malayo po siya doon. Siguro kaya lang po siya nasasabi na parang fantaserye kasi po meron po kaming multo. Pero 'yun lang po 'yung meron kami, 'yung supernatural effect pero it's far from being a fantasy," sabi ng aktres.

"The story would focus about family and love. May multo lang po talaga na manggugulo sa mga buhay ng mga tao," dagdag pa niya.

"It's a story naman, halo-halo siya eh. Merong drama, merong love story, merong horror/mysterious na recipe itong show na ito. Kaya aabangan niyo 'yan. Talagang tagos sa kaluluwa hindi lang sa emotions kundi literal na tatagusan ka sa kaluluwa," sabi naman ni Miguel.

Level-up na raw na BiGuel love team ang mapapanood sa serye.

"Level-up na po. Actually ganu'n po namin made-describe kung ano 'yung difference ng BiGuel today sa BiGuel noon. Level up po ito para sa aming dalawa," sabi ni Bianca.

Sorpresa raw kung bakit magagalit ang kaluluwa ni Criselda, na gagampanan ni Pauline.

"Yes nu'ng bata ako namatay na ako so, parang may pangako kasi kaming magkapatid na kahit anong mangyari, walang iwanan. Protective ako sa kaniya, kaya lagi niya akong kasama. Abangan kung bakit ako nagalit. Ha! Ha!" sabi ni Pauline.

Nagpaliwanag din si Kyline sa kaniyang role bilang Cheska.

"Adopted child po ako ni tita Carmina and ni kuya Marvin and namatay po siya, naaksidente po ako, so sasapian niya (Criselda) po ako. Tapos gagamitin niya po 'yung katawan ko para... may halo po kasi yata siyang inggit kay Bianca which is Crisanta dahil kay Miguel. Du'n po mag-ikot 'yung story. And tungkol din ito sa family."

"Maganda po 'yung story. Sobrang different. It's not like fantaserye po. But you should really watch it because tagos hanggang sa kaluluwa mo 'yung story because siyempre po may mga kaluluwa kami dito at andaming plot twists," pag-imbita ni Kyline sa mga manonood. —LBG, GMA News