Halagang P1 milyong cash, house and lot at brand new car ang napanalunan ng tatlong honor student na naglaro sa Wowowin nitong Biyernes ng hapon.

Dahil dito, instant BFFs  sina Drew Razon, anak ng isang taho vendor, Naya Remo, anak ng isang canteen helper, at Khen Albania, 16-year-old na anak ng isang traffic enforcer.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras," sinabi ng tatlo na gusto raw talaga nila sumali sa Wowowin para kung sakaling manalo, makatulong ang premyo sa pagkamit ng kanilang mga pangarap.

Tila natukso pa ang tatlo na piliin na ang P300,000 easy money ng laro nang makapasok sila sa jackpot round.

Pero kasama ng kanilang mga magulang, nanindigan ang tatlo, hanggang sa napanalunan nina Drew, Naya at Khen ang Mega Jackpot.

Nanghina pa ang tuhod ng kanilang mga magulang nang i-reveal ang premyo.

Bumaha naman ng luha sa studio dahil sa tagumpay ng tatlong estudyante.

"Siguro po sobrang saya lang yun. Minsan lang siyang nangarap pero ngayon po nagkatotoo po," ayon kay Drew .

Ang ama ni Khen, napaiyak din sa napanalunan nilang bagong house and lot, dahil hindi na raw sila mapapalayas sa inuupahan kapag hindi nakabayad.

"Talagang since bata pa po kami pinangarap na po naming magkaroon ng sariling bahay. Yun po talaga yung pangarap namin. Pangarap ng mama't papa ko po," sabi ni Khen, isa sa mga Mega Jackpot winner.

Pag-uusapan daw ng tatlo ang magaganap na hatian sa kanilang mga napanalunan.

"Pag-uusapan na lang po namin kung sino ang mas nangangailangan," ayon kay Naya.

"Kahit ano na lang po ang matira. Kasi si Khen po kailangan niya ng bahay eh," kanyang pagpapatuloy. —Jamil Joseph Santos/NB, GMA News