Sa pamamagitan ng Instagram post, ipinaalam ni Mark Escueta na dinala sa ospital nitong Lunes ng umaga ang kaniyang maybahay na si Jolina Magdangal.

"Hi, si Mark ito. Ako na muna ang nagpost sa ig ni Jolina. Kaninang 6:30am nagising si Jolina dahil masakit daw ang lower back niya, hanggang harapan," saad caption ng ipinost larawan ni Mark.

"Nandito na naman kami sa ER. May additional tests na kailangang gawin. Please pray that it's nothing serious, at hindi rin complication nung aksidente nung Monday. Maraming salamat," patuloy niya.

 

Nitong nakaraang linggo, dinala sa pagamutan ang mag-asawa nang mabangga mula sa likuran ang sinasakyang nilang SUV sa East Avenue sa barangay Central sa Quezon City.

Papunta sana sa airport ang pamilya para magbakasyon nang mangyari ang aksidente habang nakatigil ang kanilang sasakyan dahil naka-red ang "stop light."

READ: Mag-asawang Jolina Magdangal at Mark Escueta, nabangga ang sinasakyang SUV

Samantala sa sumunod na Facebook post ni Mark, sinabi nito na lumabas na ang mga pagsusuri kay Jolina at "clear" ang mga resulta.

"UPDATE: Test results are all clear. Just have to observe for the next few days. Thank you for your prayers," anang mang-aawit. -- FRJ, GMA News