Inihayag na ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) ang labindalawang pelikulang kalahok sa Pista ng Pelikulang Pilipino (PPP) na bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika sa Agosto.

Mula Agosto 16-22, 2017, tanging ang mga napiling pelikula lamang ang ipapalabas sa lahat ng sinehan sa bansa, ayon kay Liza Diño-Seguerra, pinuno ng FDCP.

"Ipinagmamalaki po talaga namin ang 12 pelikulang napili para sa PPP. Ako po at ang miyembro ng Selection Committee ay sinigurado na ang PPP ay binubuo ng mga kuwentong Pilipino na kakaiba man ay swak pa rin sa panlasa ng ating mga manunuod," ayon sa opisyal.

Ang PPP Selection Committee ay binubuo nina editor Manet Dayrit, film critic Oggs Cruz, award-winning screen writer Ricky Lee, mga beterang direktor na sina Erik Matti at Jose Javier Reyes, aktres na si Iza Calzado at cinematographer Lee Briones.

"It was just a dream by a government agency to be able to work with cinemas. Iniisip ng FDCP to find a commonality between the cinema as a stakeholder, the government agency and the industry," sabi pa ni Liza.

Sa video post sa Facebook account ng PPP, sinabi ni direk Jose Javier na patas at walang pagtatangi sa mga commercial at independent films sa naturang festival.

"Para mas malawakan ang maging merkado ng mga Filipino film makers. Bago ka ma-recognize properly abroad dapat kilalanin ka rin ng iyong mga kababayan," paliwanag niya.

Dagdag pa ng direktor, "Hindi ka gumagawa ng para pang-film festival abroad."

Ang mga pelikulang napili para sa Pista ng Pelikulang Pilipino ay ang mga sumusunod:

100 TULA PARA KAY STELLA - Sa kanyang apat na taon sa kolehiyo, susubukang sumulat ng uutal-utal na si Fidel ng isang daang tula para suyuin si Stella, na naghahangad pero bigong rock star.

ANG MANANANGGAL SA UNIT 23B - Isang babaeng nababalot ng kalungkutan at maraming sikreto ang iibig sa lalaking sawi rin sa pag-ibig. Malilito siya kung mamahalin ba niya ang lalaki, o ililigtas laban sa kanya. Itatampok dito ang "Ika-6 Na Utos" actress na si Ryza Cenon.

AWOL - Hahanapin ng isang beteranong Army sniper ang lalaking magtatangka sa kanya at ng kanyang mga mahal sa buhay.

BAR BOYS - Apat na lalaking magkakaibigan ang papasok sa law school. Sa kahirapan na mapabilang sa institusyon, mayroon silang mga isasakripisyo. Kasali sina Kapuso Rocco Nacino at batikang aktres na si Odette Khan.

BIRDSHOT - 'Di sinasadyang mabaril ni Maya ang isang endangered Philippine Eagle, kaya pinaghahanap siya ng mga awtoridad. Napuwersang magtago sa gubat, makakarinig siya ng tinig ng agila na magdadala sa kanya sa isang lugar na nababalot ng lagim.

HAMOG - Dalawang 'di inaasahang pangyayari ang mararanasan ng apat na 'batang hamog' na sanay na sa paggawa ng krimen para mabuhay sa mga lansangan ng Maynila. Tampok si Kapuso teen actress Therese Malvar.

PAGLIPAY - Upang makuha ang kanyang kabiyak, tatawid ang isang Aeta ng bundok ilog para makapunta sa isang bayan, ngunit makakatagpo ng isang babaeng lumaki sa lungsod na magbabago sa kanyang buhay.

PATAY NA SI HESUS - Maglalakbay ang isang ina, kasama ang kaniyang mga anak, mula Cebu hanggang Dumaguete para dumalo sa libing ng dati niyang asawa, gamit ang kanilang mini-van. Tampok si Cannes best actress at "D' Original' star na si Jaclyn Jose.

PAUWI NA (PEDICAB) - Isang lalaking may sakit, bungangerang niyang misis, isang buntis na bulag na babae, si "Hesu Kristo" at isang aso ang sasakay ng pedicab para lisanin ang kahirapan sa Maynila at humanap ng kaginhawaan sa probinsya.

SALVAGE - Isang news crew na nagbabalita tungkol sa aswang sa Mindanao ay hahabulin ng mga armadong grupo sa kagubatan ay makararanas ng kababalaghan.

STAR NA SI VAN DAMME STALLONE - Mangangarap ang isang batang may Down Syndrome na maging film actor, ngunit maghihirap ang pamilya niya para matulungan siya.

TRIPTIKO - Isang lalaking sinuwerte pero biglang mamalasin. Guguho ang career ng isang modelo dahil sa mga tumutubong pigsa sa kanyang katawan; susubukin ang pag-ibig ng isang folk singer sa pag-iiba ng kanyang minamahal. Tampok dito si Kylie Padilla.

Nagpasalamat naman si Liza sa tiwala, hindi lang ng mga ahensiya ng gobyerno kung hindi pati sa mga film-maker at producer.

"This [festival] is something we can offer not just for the industry but for the audience," aniya.

Magkakaroon ng motorcade sa August 13 na magtatapos sa isang all-day outdoor fiesta event sa Luneta park na may kasamang food fair, palo-sebo,  agawan ng biik, at iba pang kompetisyong pampiesta.

Ipapakita pa sa giant screen ang mga trailer ng 12 pelikula.

Samantalang magkakaroon naman ng premier night ng mga pelikulang sa August 15.

Sa August 19, Araw ni Manuel Quezon, isasagawa ang Thanksgiving at Awards Night para sa Audience Choice Award.

Sa kabila nito, paglilinaw ni Liza na, "This is not a competition, but an exhibition of Philippine cinema." -- FRJ, GMA News