Inamin ng Kapuso singer-actress na si Aicelle Santos na para sa kaniyang boyfriend na si GMA News reporter Mark Zambrano ang awitin niyang "Palaging Ikaw."

"Yung song na 'Palaging Ikaw,' siguro istorya 'yon ng pag-ibig ko ngayon. Ang sumulat nito ay si Simon Peter Tan, na-produce na 'tong mga kantang 'to bago si Mark. So sabi ko napapanahon, sakto yung kanta," aniya.

Ipinagdiwang nina Aicelle at Mark ang kanilang anibersaryo bilang magkasintahan noong nakaraang buwan. Kasabay nito ang opisyal na paglunsad ng kanyang bagong single na "Palaging Ikaw," kung saan bumida ang dalawa sa music video nito.

Handog din ni Aicelle kay Mark ang linya ng kanta na, "Sana nga'y tayo na.""For Mark, it's 'Sana nga'y tayo na' kasi sa relasyong hindi pa naman nag-e-end in marriage. I mean, hindi pa napupunta do'n, we always pray and hope na dun din mahahantong ang lahat," anang singer-actress.

Nang tanungin kung nakikita niya ang "forever" na kasama si Mark, tugon ni Aicelle, "I'm praying, but yes I see it."

Bukod sa kaniyang singing career, busy ri Aicelle sa pag-arte. Katunayan, gaganap siyang best friend ni "Nimfa," na isa sa kambal na karakter na bibigyang buhay Kris Bernal sa bagong prime series na "Impostora."

Kasama nina Kris at Aicelle sa programa sina Rafael Rosell, Ryan Eigenmann, Assunta De Rossi, Elizabeth Oropesa, Aicelle Santos, Sinon Loresca, at Vaness del Moral.-- FRJ, GMA News