Isa na namang away-kalsada ang nakunan sa video sa Sumulong Highway sa Antipolo City, kung saan nagsuntukan ang isang motorcycle rider at e-trike driver matapos magkasagian.

Sa ulat ni Bea Pinlac sa "Unang Balita" nitong Biyernes, makikita sa isang video ang paghahambalang ng e-trike at motorsiklo mag-3 p.m. nitong Huwebes.

Tila nagkainitan na ang dalawang motorista habang nasa loob ng e-trike ang driver nito na hindi masyadong makikita sa video.

Kalaunan, hinatak na ng rider ang kaaway na driver patungo sa gilid ng kalsada.

Tumama ang rider sa pader samantalang patuloy silang nagpapalitan ng suntok.

Base sa barangay, nag-umpisa ang alitan matapos masagi ng motor ang e-trike at nasira ang maliit na fan nito. Ang una umanong nanuntok, ang driver ng e-trike.

“Inamin naman ng nanuntok na talagang nabigla siya. Sa init daw ng kaniyang ulo, sinuntok niya kaagad ‘yung nakabangga. Kaya pagganti ng ating nakabanga, sinalya siya, napunta roon sa may pader,” sabi ni Armando Awa-ao ng Barangay Santa Cruz BPSO.

Sa kanilang pagsusuntukan, pumagitna ang isa pang rider upang awatin sila.

Ayon sa barangay, nagtamo ng pasa sa mukha ang rider habang nagkasugat naman sa braso at likod ang e-trike driver.

Nagharap ang dalawa sa barangay para pag-uusapan ang insidente.

“Medyo kumalma naman po. Bagkos nagkamayan sila, nagkasundo naman. Inamin naman nila na nagkamali,” sabi ni Awa-ao.

Sinusubukan pang kunan ng GMA Integrated News ng panig ang dalawang sangkot sa suntukan sa kalsada.

Sinabi ng Antipolo Police na wala pa silang natatanggap na reklamo hinggil sa insidente.

Bago nito, nagkaroon din ng away-kalsada sa Antipolo noong nakaraang linggo, na nauwi sa pamamaril at ikinasawi ng isa. — Jamil Santos/BAP, GMA Integrated News