Sugatan ang dalawang menor de edad na junior high school student matapos silang saksakin at pagtulungang gulpihin ng mga kapwa estudyante sa labas ng isang paaralan sa Pasig City. Ang pito sa mga menor de edad na sangkot, nasa kustodiya na ng pulisya.

Sa isang pahayag, sinabi ni Pasig City Police chief Police Colonel Hendrix Mangaldan na nangyari ang insidente ng pananaksak bandang 2:15 p.m. nitong Huwebes, na nag-ugat sa away ng mga estudyante sa loob ng campus.

“Ang awayan ng mga estudyante ay humantong sa pagkakakasaksak sa dalawang biktima,” sabi ni Mangaldan.

“Napakasensitibo po dahil ang mga sangkot ay puro menor de edad. Magkagayon man, atin pong isinagawa ang nararapat na imbestigasyon at nasa kustodiya na ng Pasig pulis ang pitong menor de edad,” dagdag niya.

Ayon kay Mangaldan, nakikipag-ugnayan na ang pulisya sa City Social Welfare and Development Office, kay Pasig City Mayor Vico Sotto, at sa pamunuan ng eskuwelahan hinggil sa insidente.

Sa viral video, mapanonood na pinagtutulungan ng isang grupo ng mga mag-aaral na lalaki ang dalawang estudyante. Nagtamo ang mga binatilyo ng kaliwa't kanang suntok mula sa grupo.

Tumigil lamang ang pag-aaway nang mapansin nilang may dugo na sa kanilang uniporme, ayon sa ulat ni Bea Pinlac sa "Balitanghali" nitong Biyernes.

Sinuntok pa siya ng isa sa mga nakaaway na estudyante, bago sila tuluyang sinuway ng isang lalaki.

Ang isa pa sa mga biktima, nagtamo naman ng saksak sa iba't ibang bahagi ng katawan, ayon sa pulisya.

Dinala ang mga sugatang estudyante sa ospital.

Sa tulong ng mga saksi, nakuha ng pulisya ang pito sa mga sangkot na menor de edad na dawit sa pambubugbog at pananaksak sa mga biktima.

Ilan pa ang kusang dinala ng kanilang mga magulang sa mga awtoridad.

Ang mismong nanaksak sa dalawang biktima ang pinakabata sa grupo na 13-anyos.

Narekober ang folded knife na ginamit umano sa pananaksak.

Sumasailalim sa medical examination ang pitong menor de edad na itinuturing na Children In Conflict with the Law, na nakatakdang iturn-over sa bahay-aruga sa Pasig City.

Sa isang bulletin nitong Huwebes, sinabi ng punong-guro ng Rizal High School na si Richard Santos na “still receiving careful observation” ang sugatang Grade 7 na estudyante samantalang “currently in stable condition” ang Grade 10 na estudyante.

Ayon sa kanya, pinaghahanap pa ang isang taong sangkot sa insidente.

“We understand that this situation is understandably distressing for our entire community. It is reassuring to know that the individuals believed to be involved in the altercation, except for one who is still at large, have been taken into custody by the Pasig City Police,” sabi ni Santos.

Sinabi ni Santos na magpupulong nitong Biyernes ang Child Protection Committee ng paaralan upang pag-usapan ang mga kinakailangang tugon at interbensyon upang maiwasan ang mga katulad na insidente sa hinaharap.

“To further ensure the safety of our students, we are enhancing our safety measures during dismissal.We have requested increased visibility from Barangay Enforcers and police in the area,” saad ng school principal.

“Additionally, starting tomorrow, February 21, 2025, we will reinforce our security protocols by implementing bag inspections for all students upon arrival at school,” dagdag niya.

Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na kunan ng panig ang pamilya ng mga biktima. — Jamil Santos/BAP, GMA Integrated News