Sinabi ng isang kongresista na nasa 405 ng 677 tao na tumanggap ng confidential funds mula sa Office of Vice President (OVP) at Department of Education sa ilalim ni Vice President Sara Duterte ang walang birth record, base sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Ang tinutukoy ni Manila Representative Joel Chua, chairman ng House committee on good government and public accountability, ay ang mga tao na tumanggap ng confidential funds na nakasaad sa acknowledgement receipts na isinumite ng OVP at DepEd sa Commission on Audit (COA) para sa liquidation.
“Tayo ay sumulat upang isumite ang 677 pang pangalan na nakalagay sa acknowldgement receipts kung saan tayo po ay binigyan ng tugon ng Philippine Statistics Authority dated December 8, 2024. Dito [ay] kanila pong sinasabi na out of 677 individuals, 405 ay walang birth certificate o walang record sa birth certificate, o puwede nating sabihin na non-existent,” ayon kay Chua.
Nauna nang sinabi ng PSA na walang birth, marriage, o death record sa kaniyang database ang isang "Mary Grace Piattos," na ilang beses nakapirma sa acknowledgment receipts ng confidential funds.
Sa mga naunang pahayag, sinabi ni Duterte na walang iregularidad sa paggamit niya ng naturang pondo.
Inakusahan din niya na pulitika ang motibo sa likod ng isinasagawang imbestigasyon sa confidential funds, at iniugnay sa planong alisin siya sa puwesto sa pamamagitan ng impeachment.
Gayunman, inihayag ng komite ni Chua na lumalabas sa imbestigasyon na nagsumite ang OVP at DepEd ng mga kaduda-dudang acknowledgement receipts na may mga maling petsa, kahina-hinalang mga pirma, at iba pa.
Dalawang impeachment complaints na inihain sa Kamara de Representantes laban kay Duterte, at kabilang sa mga binanggit na basehan para patalsikin siya sa puwesto ay betrayal of public trust, at umano'y maanomalyang paggamit niya ng confidential funds, at iba pa. — mula sa ulat ni Llanesca T. Panti/FRJ, GMA Integrated News