Inihayag ng Iglesia ni Cristo (INC) na magsasagawa ito ng rally para ipahayag ang pagtutol sa mga hakbangin na i-impeach o alisin sa puwesto si Vice President Sara Duterte.

Inihayag ng INC ang kanilang plano sa isa nilang television program nitong Miyerkoles ng gabi.

“Ang mga kapatid sa INC ay naghahanda na magsagawa ng rally upang ipahayag sa lahat ng kinauukulan na ang INC ay pabor sa opinyon ni Pangulong Bongbong Marcos na hindi sumang-ayon sa isinusulong ng ilang sektor na impeachment dahil maraming problema ang ating bansa na dapat unahin ng pamahalaan,” ayon sa binasang pahayag ng television.

“Ang INC ay para sa kapayapaan. Ayaw natin sa anumang uri ng kaguluhan na manggagaling sa anumang panig,” dagdag nito.

Una rito, sinabi Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na hindi niya suportado ang mga plano na ipa-impeach si Duterte dahil hindi makikinabang rito ang mga mamamayan.

Ipinaliwanag niyang kakain ng oras ng Kongreso ang naturang hakbang halip na tutukan ang iba pang problema ng bansa.

Sa ngayon, dalawang impeachment complaint na ang isinampa sa Kamara de Representantes laban kay Duterte.

Kabilang sa mga basehan ng reklamo laban kay Duterte ang tungkol sa paggamit niya ng confidential funds na iniimbestigahan ng mga kongresista.

Samantala, nilinaw ni Rep. Joel Chua, chairperson ng House good government and public accountability, ang komite na nag-iimbestiga sa confidential funds ni Duterte,  na hindi pinag-usapan ang impeachment sa “fellowship” na idinaos nitong Miyerkoles ng gabi sa Malacañang na dinaluhan ng nasa 200 kongresista. —FRJ, GMA Integrated News