Nadakip na ang isang lalaki na gumamit umano ng electric fan para patayin ang kaniyang tiyuhin at nagtago ng halos dalawang dekada.
Sa ulat ni Bea Pinlac sa GMA News Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing makalipas ang 17 taong pagtatago, nadakip na ang 49-anyos na suspek sa kaniyang bahay sa Tondo, Maynila .
Taong 2007 nang mag-away umano ang magtiyuhin na nauwi sa malagim na krimen.
"Meron silang matagal nang alitan at dahil nga roon, nagawa nitong accused natin na paluin ng matigas na bagay itong kaniyang uncle na naging dahilan ng pagkamatay," sabi ni Police Major Philipp Ines, spokesperson ng Manila Police District.
Sinabi ng pulisya na ginamit ng suspek ang electric fan bilang pamalo sa biktima.
Nagtago umano ang suspek sa Eastern Samar pagkaraan ng insidente.
Pagkabalik sa Maynila, isang impormante ang nagbigay-alam sa robbery and theft unit ng Manila police.
Sinubukan ng GMA Integrated News na kunin ang pahayag ng akusado, na nakabilanggo na ngayon sa MPD Custodial Facility.--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News