Handa si Vice President Sara Duterte na sumailalim sa neuropsychiatric exam kahit pa buksan sa publiko.
“Wala akong problema doon. Game tayo. I will call that—neuropsychiatric exam,” sabi ng pangalawang pangulo sa isang ambush interview nitong Martes.
Sinabi ni Duterte na handa rin siyang sumailalim sa drug test pero dapat ding umanong sumailalim sa mga naturang pagsusuri ang mga tumatakbong kongresista.
“As a voter I demand, magpa-drug test sila. Kayong lahat mga kababayan, you demand na mag-drug test ang mga congressional candidate dahil kung unstable ako, sa paningin ko, unstable rin sila,” dagdag ni Duterte.
Kasama sa mga hinamon ni Duterte na magpa-drug test ang mga kritiko niya na mga kabataang kongresista na binansagang “young guns.”
Maging ang mga kandidato sa pagka-kongresista sa unang distrito ng Davao City na kaniyang kapatid na si Paolo Duterte at makakalaban nito na si Margarita Nograles, ay dapat din umanong magpa-drug test.
Sa text message sa mga mamamahayag, sinabi ni Nograles na, “Sure, no problem with me. I will schedule tests within the next few days.”
Ayon kay Duterte, dapat magtakda ng patakaran ang Philippine Medical Association at Philippine Psychiatric [Association] para sa drug test.
“We need independent third party hair follicle testing. That’s why we are asking the help of the PMA, tulungan niyo kami to set the guidelines,” aniya.
Ayon kay Duterte, isa ring abogado, ito ang magiging ikatlo niyang neuropsychiatric exam dahil ginawa na niya ito sa court case at nang mag-apply sa Public Attorney's Office.
Nag-ugat ang hamon kay Duterte na magpatingin o sumailalim sa psychological evaluation dahil sa mga atake niya kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., na nais niyang tanggalan ng ulo, at banta niyang huhukayin ang bangkay ni dating pangulong Marcos Sr., at itatapon sa West Philippine Sea.
BASAHIN: Ilang mambabatas, nagmungkahi na magpa-psychological evaluation si VP Sara
Nagpahayag din ng pagkadismaya ang anak ni Marcos Jr. na si Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos, sa naging pahayag ni Duterte.
''Forget that the objects of her derisions are dear to me, but I would also be remiss in my responsibility as an Ilocano representative if I didn't voice out my disdain at the abhorrent comments she so carelessly uttered," anang nakababatang Marcos.
Ayon pa sa kongresista, paalala umano ito sa bawat sarili na, ''we mustn't take our mental health for granted and that above all else I sincerely hope she is okay.'' --
Itinanggi naman ni Duterte ang mga akusasyon na may mental health issue siya at iginiit na hindi rin siya desperada.
"Ang problema kasi ngayon sa mga politiko, they have never seen a politician who has nothing to lose. They have never seen a politician na IDGAF (I don’t give a f*ck),” aniya.
“Bakit naman ako desperada? I am Vice President of the Republic of the Philippines. I am not going anywhere, so anong ikaka-desperada ko?” dagdag ni Duterte.—mula sa ulat ni Giselle Ombay/FRJ, GMA Integrated News